Apat na hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay, kasabay ng pagsamsam ng ilang matataas na kalibre ng baril sa pakikipagbakbakan nito sa Moro National Liberation Front (MNLF) sa Sulu, kahapon ng umaga.

Sa isang pahayag, sinabi ni Major Filemon Tan, Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WesMinCom), na kabilang sa mga napatay sa Abu Sayyaf si Jennor Lahab, alyas “Kumander Jim Dragon”, at isang pinaniniwalaang anak nitong lalaki.

Dalawa pang bangkay ang natagpuan ng MNLF ilang minuto matapos ang paglalaban.

Dinala ng MNLF ang mga bangkay sa Barangay Masjid Punjungan sa Kalinggalang Caluang at ibibigay sa lokal na pamahalaan para sa kaukulang disposisyon.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sinabi ni Tan na batay sa report na kanyang natanggap, nangyari ang engkuwentro sa Bgy. Tanjung, Kalinggalang Caluang sa Sulu, dakong 7:00 ng umaga kahapon.

Aniya, ang bakbakan ay bahagi ng mga pagsisikap ng MNLF na makatulong sa pagpapalaya sa mga Indonesian na dinukot ng bandidong grupo at sa huli ay mapulbos ang Abu Sayyaf.

Kilalang tagasunod ni Misaya, sangkot si Kumander Dragon sa pagdukot sa 10 Indonesian noong Marso 2016 at sa armadong kumprontasyon laban sa grupo ni dating Kalinggalang Caluang Mayor Jerry Misuari noong Abril 15, 2015.

Narekober din ng MNLF sa pinangyarihan ng engkuwentro ang dalawang M14 rifle, isang M16, at isang M4 rifle ng Abu Sayyaf. (FRANCIS T. WAKEFIELD)