Ipinag-utos kahapon ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang pagsasagawa ng lifestyle check sa hanay ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD).
Ito’y kasunod ng pag-amin ni MPD Director Police Sr. Supt. Joel Coronel na natukoy na nila ang 10 “ninja cops” sa MPD.
Ayon kay Estrada, dapat magsagawa ng lifestyle check ang MPD sa lahat ng miyembro nito, lalo na sa mga pinaghihinalaang sangkot sa mga ilegal na gawain.
Dapat na rin umanong sibakin ang lahat ng mga pulis sa Maynila na mapapatunayang sangkot sa ilegal na droga.
“Tukuyin sila at kasuhan sa korte, matapos nito ay tanggalin sa serbisyo,” utos pa ng alkalde.
Nabatid na nitong Lunes ay ipinatawag ni Estrada si Coronel matapos lumutang ang pangalan ng isang Police chief Insp. Roberto Palisoc na umano’y nakatalaga sa MPD-Station 7 sa listahan ng mga umano’y protektor ng ilegal na droga na inilabas ni Pangulong Duterto noong Linggo.
Ngunit, ayon kay Coronel, 2011 pa huling na-assign si Palisoc sa MPD Station 7 at nitong Pebro 1, 2016 ay nagretiro na ito sa serbisyo. (Mary Ann Santiago)