Sapilitang dinukot mula sa loob ng kanyang bahay ng hindi nakilalang mga suspek ang isang tricycle driver at walang awang pinagbabaril ilang metro lamang ang layo sa kanyang bahay sa Caloocan City, nitong Linggo ng gabi.

Dead on arrival sa Caloocan City Medical Center si Salvador Carel, alyas “Rhoderick”, 42, ng No. 128 Don Benito Street, Barangay 21, dahil sa mga tama ng .45 caliber pistol sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kuwento ng asawa ni Carel na si Rhea, dakong 11:00 ng gabi at nanonood silang mag-asawa ng telebisyon kasama ang kanilang mga anak nang dumating ang mga suspek.

“May kumatok po sa pinto kaya pinagbuksan ko. Tapos bigla na lang nagsipasok ‘yung limang lalaki na may mga baril,” ani Rhea.

Sen. Kiko, tinutulan visa-free policy sa mga Chinese national

Sapilitan daw na hinatak ng mga suspek palabas ng bahay si Carel, habang nag-iiyakan naman silang mag-iina.

Sinabi ni Rhea na hindi sila makasunod sa labas ng bahay dahil tinutukan umano sila ng baril ng mga suspek.

Ilang metro lamang ang layo sa kanilang bahay, nakarinig ang mag-iina ng sunud-sunod na putok ng baril hanggang sa matagpuan niya ang asawa na duguang nakahandusay sa lupa.

Nagsitakas naman ang mga suspek na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo na walang plaka.

Nabatid na si Carel ay sangkot umano sa ilegal na droga. (Orly L. Barcala)