GENERAL SANTOS CITY – Sinibak sa puwesto ng Police Regional Office (PRO)-12 ang lahat ng operatiba nito na nabanggit ni Pangulong Duterte nitong Linggo bilang mga protector umano ng ilegal na droga.

Sinabi ni PRO-12 Director Cedrick Train na na-relieve na sa kani-kanilang puwesto at ibinalik na sa regional headquarters dito ang nabanggit na mga pulis upang maimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Crame sa Quezon City.

“They will be sent to Camp Crame to undergo investigation and shed light on their involvement in the illegal drugs trade,” ani Train.

Gayunman, hindi na kabilang sa mga pulis na ito si PO3 Philip Pantorilla, dating nagsilbi sa Tacurong City Police sa Sultan Kudarat, dahil tatlong taon na itong patay.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Taong 2013 nang mamatay si Pantorilla dahil sa kumplikasyon ng kanyang sakit sa kidney.

Pumalag naman si PO2 Estelito Sollano, nakatalaga sa Malungon Police sa Sarangani, sa pagkakabilang ng kanyang pangalan sa listahan ng Pangulo ng umano’y mga sangkot sa bentahan ng droga.

Sinabi ni Sollano na handa siyang humarap sa imbestigasyon upang linisin ang kanyang pangalan.

“I am demoralized and my family was saddened after my name was implicated in illegal drugs,” ani Sollano.

Samantala, bagamat nagpaplano na ngayong magbitiw sa tungkulin si PO1 Glen Alicarte, na nakatalaga sa anti-narcotics unit ng General Santos City Police Office, matapos na mapasama ang kanyang pangalan sa nasabing listahan, nagpahayag naman siya ng kahandaan sa imbestigasyon.

Kinumpirma ni Senior Insp. Olivert Pauya, hepe ni Alicarte, na una nang nasangkot ang huli sa droga bilang protektor umano ng mga naarestong tulak.

Sa Ilocos Norte, sumuko naman sa himpilan ng Batac City Police ang retiradong si Senior Insp. Rolando Battulayan, 57, may asawa, ng Barangay Baay, makaraang mabanggit sa listahan.

Dakong 2:00 ng hapon nitong Linggo nang sumuko si Battulayan at kusa nang nag-execute ng Affidavit of Undertaking para sumailalim sa regular na close intelligence monitoring ng pulisya.