SA isang marahas subalit angkop at napapanahong paninindigan, pinagaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kalbaryo na pinapasan ng mamamayan, lalo na ng mga mangingisda at magsasaka na nagiging biktima ng pagmamalabis ng ilang sektor ng lipunan. Tandisan niyang iniutos ang pagsugpo sa illegal mining at logging, kabilang na ang madaliang pagbuwag sa mga baklad sa Laguna de Bay. Mga pahayag ito na sa aking pagkakatanda ay hindi narinig sa mga nakaraang Pangulo ng bansa.

Hindi pa ganap na naaaninag, kung sabagay, ang katuparan ng naturang mga utos ng Pangulo. Subalit tumitimo ang kanyang mga babala sa illegal loggers at miners sa Mindanao at maging sa mga nagpatayo ng mga illegal fish cage sa lawa ng Laguna. Kailangang mawakasan ang pagwasak sa mga likas na yaman at kapaligiran na nagpapahirap sa taumbayan.

Ganito rin ang paninindigan ni Secretary Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) nang kanyang tiyakin na ipatitigil niya ang illegal logging at mining operations sa bansa sa loob ng walong araw.

Maliwanag na ang kanyang pahayag ay nakaangkla sa buong suporta sa kanya ng Duterte administration. At maliwanag din ang banta ng Pangulo sa illegal loggers at miners, na ang ilan ay dayuhan: Umalis kayo rito kung ayaw ninyong sumunod sa batas.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Totoo na malaki ang pamumuhunang pumapasok sa bansa mula sa mining sector. Isipin na umaabot sa 30 bilyong dolyar ang inaasahan sa pagmimina. Subalit ang malaking bahagi nito ay maibubulsa ng mga dayuhang investors at katiting lamang ang pakikinabangan ng gobyerno; gayundin sa pagtotroso.

At malaki ang pinsalang nililikha ng gayong pangangapital sa ating kalikasan at kapaligiran; hinuhukay ang kabundukan na pinanggagalingan ng mga kayamanang tulad ng ginto, copper at iba pa na sinasabing hindi naman ipinagbabayad ng angkop na buwis. Ang tinitibag na lupa mula sa bundok ay dumadausdos sa mga kalapit na ilog na lumalason naman sa mga isda.

Sa isa pang matinding utos, determinado ang Pangulo na gibain ang lahat ng fish cage o baklad sa Laguna de Bay para sa kapakinabangan ng mga mangingisda. Subalit ang tanong: Susunod kaya sa utos ang mga may-ari nito na kinabibilangan ng mataas na opisyal ng militar at pulis, mga mayor at gobernador at malalaking negosyante na matagal nang namamayagpag sa malawak na lawa? Maghihintay ang bayan.