Ipinag-utos kahapon ng hepe ng Northern Police District (NPD) ang pagsibak sa serbisyo sa isang bagitong pulis-Caloocan na nagtangka umanong gahasain ang isang 22-anyos na babae kamakailan.
Iniutos ni NPD Director Senior Supt. Roberto Fajardo kay Caloocan City Police chief Senior Supt. Johnson Almazan ang pagdisarma at pagbawi sa tsapa ni PO1 Emmanuel Carpio.
Ayon sa imbestigasyon, tinangka umanong halayin ni Carpio ang isang 22-anyos na babae sa loob ng kanyang bahay nitong Sabado.
Batay sa salaysay ng biktima, dakong 10:30 ng gabi nang magsimula silang mag-inuman ni Carpio sa loob ng bahay nito sa Barangay 31 kasama ang iba pang kaibigan.
Pagsapit ng 3:45 ng umaga at sila na lang ang natira sa inuman, sinabi ng biktima na hinawakan at pinaghahalikan umano ng pulis ang kanyang dibdib.
“Hinawakan niya po ang boobs ko at pinaghahalikan, tapos hinawakan niya ang kamay ko nung nanlaban ako,” saad sa affidavit ng biktima.
Ayon pa sa biktima, nakatakas lamang siya makaraang pisilin niya ang ari ni Carpio at napahiyaw ito sa sakit.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Fajardo sa inasal ni Carpio, sinabing hindi niya kailanman kukunsintihin ang mga tiwaling pulis.
Sinampahan na ng kaukulang kaso si Carpio sa Caloocan Regional Trial Court. (Jel Santos)