Simula sa susunod na buwan, hindi na kailangan ng ilang overseas Filipino workers (OFW) na kumuha ng overseas employment certificate (OEC) mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para magtrabaho sa ibang bansa.

Inanunsyo ng POEA nitong nakaraang linggo na sisimulan na nito ang pag-exempt sa mga piling OFW sa OEC requirement.

Ang OEC ay mandatory document na iniisyu ng POEA para sa mga OFW upang matiyak na sila ay protektado sa kanilang pagtatarabaho sa ibang bansa.

Isinusulong ng mga grupo ng migrante na tanggalin na ang OEC dahil nangangahulugan pa ito ng dagdag na gastusin sa pagpoproseso nila sa POEA.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Sa dalawang pahinang governing board resolution no. 12, series of 2016, inihayag ng POEA na ang exemption ay bahagi ng pilot study nito para alisin ang OEC requirement para sa “balik-manggagawa” (BM) o mga nagbabakasyong OFW.

“The POEA will issue implementing guidelines to operationalize the system (for the project) which shall have the pilot implementation in the first week of September 2016,” pahayag ng POEA.

Sakop ng pilot project ang mga sumusunod na OFW: BM na magbabalik sa parehong employer at jobsite at mayroon nang record/s sa POEA database; at BM na kinuha sa trabaho sa pamamagitan ng Government Placement Branch (GPB).

Ang mga kuwalipikadong OFW ay kailangang magparehistro sa BM online facility ng POEA bago umalis patungo sa ibang bansa. - Samuel Medenilla