Ni Angie Oredo

Malaki ang kakulangan sa pasilidad ng Davao City at karatig na lalawigan sa Tagum, Davao Del Sur at Davao Del Norte kung kaya’t malabong gamitin itong main hub sa hosting ng 2019 Southeast Asian Games.

Sa pagtataya ng Philippine Sports Commission (PSC) inspection team, sa pangunguna ni Commissioner Engr. Arnold Agustin, malaki ang kakailanganing gastusin para magpatayo ng karagdagang venues at pasilidad sa Davao.

“Kayang-kaya ng Davao na maging satellite venue. Okey naman ang mga pasilidad. Ang problema, yung haba ng oras para bumiyahe patungo sa tatlong posibleng venue,” sambit ni Agustin.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kinatigan ni PSC Commissioner Charles Maxey ang pahayag ni Agustin.

“Davao can host four to six sports. Pero mahirap na maging main hub,” pahayag ni Maxey.

Natukoy nina Agustin at Maxey ang University of Philippines-Mindanao na kasalukuyang nagsasagawa ng rehabilitasyon gayundin ang bagong gawa na Quibuloy Sports Complex na posibleng pagdausan ng ilang sports event.

“UP Mindanao is a good venue but it is still being built. Six phase iyon and they are still on the first phase so hindi natin alam kung makukumpleto by 2019,” sambit ni Agustin.

Aniya, maaaring gawin ang taekwondo, chess, at bowling sa ilang malls habang ang basketball ay puwede sa 75,000 seater Quibuloy Sports Complex. Ang track and field ay posible sa UP Mindanao gayundin ang aquatics, badminton at volleyball.

Isa pa din malaking problema ay ang accommodation para sa inaasahang lalahok na 10,000 atleta at opisyales dahil sa kawalan ng matitirahang mga hotel.

“So Manila is still the best option,” sambit ni Maxey.

Nagsagawa ng pagsusuri at pagbisita ang PSC team para masiguro ang kahandaan para sa 2019 SEA Games na huling ginawa sa bansa noong 2005.