NANG magsalita si Pangulong Digong sa Davao, pagkatapos niyang banggitin ang mga taong aniya’y sangkot sa ilegal na droga, inatasan niya ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) na alisin ang mga landmine na itinanim ng mga ito.

“Kapag may isa pang madisgrasya sa landmine,” wika ng Pangulo, “wala nang peace talk.” Bawal, aniya, sa international law ang landmine. Kung ang Armed Forces ay hindi raw gumagamit ng landmine, hindi rin dapat ang CPP-NPA.

Sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, inihayag niya na makikipag-usap ang gobyerno para sa kasunduang pangkapayapaan sa mga rebeldeng grupo, gaya ng CPP-NPA. Nagdeklara siya ng unilateral ceasefire sa panig ng gobyerno, sa pakikipagdigmaan nito sa CPP-NPA.

Pero pagkatapos na maihayag ito ng Pangulo, inambush at napatay ng komunistang rebelde ang mga kasapi ng CAFGU.

Binigyan ng Pangulo ng isang araw ang CPP-NPA para magdeklara rin ng ceasefire at kung hindi ay babawiin niya ang idineklara niyang unilateral ceasefire.

Dahil hindi nakaresponde ang komunistang grupo sa itinakda niyang panahon, binawi niya ang unilateral ceasefire.

Naging mainit at personal ang reaksyon ni CPP Chairman Joma Sison. Hindi raw dapat utusan ng Pangulo ang rebolusyonaryong grupo. Napakaigsi, aniya, ng panahon na itinakda ng Pangulo para konsultahin ang kanilang mga kasapi. Pabago-bago raw ito at istilong butangero kung makipag-usap.

Arogante naman si Sison, ayon sa Pangulo. Sino raw ba sila sa kanya, gayong siya ay ibinoto ng napakaraming Pilipino na pinakamarami sa kasaysayan. Kung ang mga ito raw ay baka hindi pa manalo sa barangay.

Maganda sana kung matutuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NPA na magbubunga ng ganap na kapayapaan.

Pero malaking duda kung makakalayo ito dahil sa inaasta ng Pangulo na pangmamaliit sa kanyang kausap. Nagbibigay kaagad siya ng kondisyon sa hindi pa nauumpisahang usapan, tulad ng pag-aalis ng mga rebeldeng komunista ng landmine at kung hindi ay kakalas na siya sa peace talk. Eh, nasabi nga ni Sison na hindi niya puwedeng diktahan ang rebolusyanaryong grupo.

Maaaring kay Pangulong Digong, malakas siya at mahina ang CPP-NPA. Pero lolobo ang grupong ito kapag dumagsa ang mahirap at naaapi, tulad ng nangyari noong panahon ng diktadurya. (Ric Valmonte)