Patay ang isang 60 taong gulang na babae makaraang masagasaan ng tren ng Philippine National Railways (PNR) matapos tumawid sa riles kahit pa nakababa na ang safety barrier sa train crossing sa Sampaloc, Maynila, nitong Linggo ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Norma Egina Taylan, 60, ng Antipolo Street sa Sampaloc.

Batay sa ulat ng Manila Police District-Manila District Traffic Enforcement Unit (MPD-MDTEU), nabatid na dakong 4:05 ng hapon nang mangyari ang insidente sa northbound lane ng PNR railroad tracks, malapit sa PNR España Station sa panulukan ng Antipolo Street at España Boulevard.

Paparating na umano ang tren at naibaba na ang safety barrier ngunit tumawid pa rin umano ang biktima kaya nahagip ito ng tren.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Nasa kostudiya na ngayon ng pulisya ang mga train machinist na sina Angelo Coldas at Aldrin delos Santos upang magbigay-linaw sa pangyayari.

Iginigiit naman umano ng driver ng tren na bukas ang ringer at flasher ng tren ngunit mistulang hindi ito napansin ng matanda.

Nilinaw naman ni Department of Transportation (DoTr) Spokesperson Cherie Mercado na bahagi ng standard operating procedure na 100 metro pa ang layo ng tren mula sa crossing ay dapat na bumubusina na ito hanggang sa tuluyang makatawid. (Mary Ann Santiago)