NAGKITA kami ni Bb. Joyce Bernal sa isang restaurant sa Trinoma Mall nitong nakaraang Linggo at nabanggit niya na galing siya sa story conference ng pelikulang pagsasamahan nina Vice Ganda at Coco Martin para sa 2016 Metro Manila Film Festival na ididirihe niya under Star Cinema.
Gustung-gusto naming makipagtsikahan kay Direk Joyce pero nagmamadali siya dahil manonood sila ng pelikula ni Judy Ann Santos na Kusina na entry naman sa isinasagawang 2016 Cinemalaya.
“Mali-late na kami, hinihintay na ako nina Erickson (Raymundo) at staff niya,” sabi sa amin.
Kaya kahapon ay tinext namin si Direk Joyce na kaagad namang tumawag para pag-usapan ang naputol na tsikahan namin sa Trinoma.
Ayon kay Direk Joyce, modern family ang concept ng pelikula at maganda ang storyline na isinumite sa kanya ng writer na si Allan Habon, ang sumulat ng pelikulang Ang Turkey Man ay Pabo Rin na entry sa 2013 CineFilipino Film Festival na pinagbidahan ni Tuesday Vargas.
“Hindi ko kilala si Allan, pero binanggit nila lahat ang works niya, like ‘yung Turkey ay Pabo rin, hindi ko pa napapanood. Magenta naman ‘yung storyline, kaya hinihintay ko ang script bago kami magsimula sana this week,” say ni Direk Joyce.
Sana raw ay walang maging aberya para masimulan na nila ang shooting ng Vice-Coco tandem kasama sina Onyok, Mac Mac, at Benny Pepe Herrera).
“Oo kasi October 31 ang deadline ng MMDA, di ba?” sabi ni Direk Joyce.
Nabanggit naming kasama rin pala si Negi.
“Sino si Negi? Hindi ko siya kilala,” kaswal na sabi ng direktor.
Ipinaliwanag namin kung sino si Negi, na kabatuhan ni Vice ng jokes sa Gandang Gabi Vice at mahusay ding komedyante at nabanggit din namin na nu’ng tanungin ng GGV host si Coco kung isasama na sa pelikula ang negrang komedyante ay umoo kaagad si Probinsyano.
“Ah, talaga? Hindi ko pa kasi siya nami-meet. Kung umokey sa kanila (Vice at Coco), eh, di okay naman din,” saad ni Direk Joyce.
Samantala, parehong first time pa lang makakatrabaho ni Bb. Joyce sina Vice at Coco, kaya itinanong namin kung siya ba kabado sa dalawang bankable stars o ang mga ito ang kabado sa kanya?
“Ha-ha-ha, both,” say ni Direk Joyce.
Naitanong din namin kung co-producer ng Star Cinena sina Vice at Coco ng pelikula nilang wala pang titulo kasi may ‘say’ sila sa cast.
“Alam mo, hindi ko alam, walang sinasabi sa akin sila (Starcinema/Vice/Coco), hindi rin naman ako nagtatanong,” sagot ng direktora.
Hmmm, feeling namin, Bossing DMB, co-prod nga sina Vice at Coco. Di ba ganito naman talaga sila sa mga movie project nila?
Bad boy ang papel ni Coco samantalang blogger/publicity director ng kilalang pulitiko ang role ni Vice.
Pamangkin ni Coco ang mga bagets na sina Mac Mac at Onyok.
Samantala, hiningan namin ng reaksiyon si Direk Joyce sa pelikulang Kusina ni Juday.
“Okay naman, maganda ‘yung scene na namatay na silang lahat, ‘yung tinatapunan na ng asin ang buong bahay.”
Nakapagdirek na ba siya ng indie movie?
“Hindi pa, wala pa, puro commercial pa lang. Pero gusto ko.”
At ang concept ni Direk Joyce?
“Actually, mayroon na akong sinulat noon pa, matagal nang nakatago, it’s all about sexual awakening, eh, naghahanap pa ako ng producer,” kaswal niyang kuwento.
Bakit hindi niya ialok sa Spring Films, tutal isa maman siya sa producers nito o kaya sa Star Cinema?
“Parang malabo naman sa Spring kasi tungkol nga sa sex, so hindi kaya at saka todo kasi ito, so seryoso at sad ang ending ko. Inalok ko na sa Star Cinema, hindi nila gusto, matapang daw, hindi keri,” kuwento sa amin.
Sino ang batang artista na papayag sa ganitong role lalo’t tungkol sa sex ang kuwento?
“Gusto ko fresh, hindi pa kilala, kaya baka magpa-audition ako, pero bago mangyari ‘yun, hahanap muna ako ng producer,” diin ni Direk Joyce.
Payo namin, bakit hindi niya ialok sa Regal Films dahil bukas naman sina Mother Lily Monteverde at Ms. Roselle Monteverde-Teo sa mga ganitong concept.
“Sige try ko,” say sa amin ni Bb. Joyce.
Pagkatapos pa raw ito ng unang pelikula nina Robin Padilla at Regine Velasquez na Kailangan Ko’y Ikaw noong 2000 naisulat ni Direk Joyce. (REGGEE BONOAN)
