KAPAG si Pangulong Rodrigo Roa Duterte raw ay namatay at napunta sa impiyerno, dahil sa kanyang pagpatay sa mga suspected drug pusher at user kaugnay ng anti-drug campaign, hindi siya natatakot maging kay Satanas na hari roon sapagkat ito ang una niyang sisipain at pagsasabihang “Umalis ka diyan”.

Ang pahayag (o biro) ay ginawa ng machong presidente sa harap ng mga delegado ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa Malacañang noong Miyerkules ng gabi. Binalewala rin niya ang pagbatikos ng United Nations bunsod ng umano’y extra-judicial killings na sa pagsasaliksik ng isang TV network ay mahigit na sa 800 ang napapatay, karamihan ay mahihirap na tao, at wala man lang drug lord. Payag na ngayon si Sen. Panfilo Lacson na mag-imbestiga ang Senado tungkol dito.

Inamin ni RRD na hindi madaling pumatay ng tao sapagkat mahalaga ang buhay, pero talagang determinado siyang sugpuin ang illegal drugs sa bansa na salot ng lipunan at ugat ng maraming krimen, murder, rape at iba pang kakila-kilabot na aktibidad ng mga bangag sa droga. Noong kampanya, nangako siya sa taumbayan na lulutasin ang problema sa ilegal na droga sa loob ng 3-6 na buwan, at kapag hindi niya ito natupad, magbibitiw umano siya sa puwesto at ipagkakaloob sa Vice President.

Sakali raw na mahulog siya sa impiyerno, hindi siya “magpapalugi” roon dahil mismong si Satanas ang una niyang sisipain, tatagpasin ang buntot at gagawing balbakwa. Sasabihin daw niya sa demonyo: “Lumayas ka diyan. May bagong tigasin dito.” Hindi siya naniniwalang mabubulid siya sa impiyerno dahil ang mga pagpatay sa mga kriminal, drug pushers, users ay para sa kabutihan ng higit na malaking bilang ng mga Pinoy na nais niyang iligtas sa mga kuko ng mga walang-hiyang tao.

Kung may banta si Mano Digong kay Satanas, nagbanta rin siya sa Kongreso (siguro hindi na biro ito), na huwag guluhin o salaulain ang isinusulong niyang Charter Change (Cha-Cha) tungo sa pederalismo. Pinawi rin niya ang duda ng taumbayan tungkol sa tunay na layunin ng pag-aamyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng Constitutional Assembly (Con-Ass).

Umapela siya sa mamamayan na pagtiwalaan sa isyung ito sapagkat hindi siya papayag na “bastusin” ng mga senador at kongresista ang lantay niyang adhikain na baguhin ang Constitution para sa kagalingan at kabutihan ng bansa.

Binantaan din niya ang mga mambabatas na huwag isingit ang kanilang “vested interests” sa bagong Constitution. “Don’t f***... with the Constitution”. Ipasasara raw niya ang Kongreso at ipadarakip ang mga senador at kongresista kapag “niloko” ang mga tao sa pag-aamyenda nito.

Tanong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Ganoon ba kadaling magpasara ng Kongreso kapag kumontra ang mga mambabatas kay Pres. Duterte? Siya na ba ang bagong Marcos ngayon?”. Noong panahon ni FM, ipinasara ang Kongreso, ikinandado ang mga tanggapan ng media, binusalan ang bibig ng mga mamamayan, walang press freedom, at ginawang tuta ang Supreme Court dahil sa martial law. Wala namang batas-militar ngayon, eh, bakit niya ipasasara ang Kongreso at ipaaaresto ang mga miyembro nito?

Samantala, marami ang nagtataka sa desisyon ni PNP Chief Director General Ronaldo “Bato” Dela Rosa kung bakit sa PNP White House na opisyal niyang tirahan pinatuloy ang suspected drug lord na si Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte. Maraming ilegal na armas ang nakumpiska mula sa kanyang tahanan sa Albuera at anim pa niyang umano’y bodyguard ang napatay ng mga pulis sa engkuwentro. Talaga raw bang iba ang trato kapag malaki, mayaman at maimpluwensiyang tao ang sangkot sa illegal drugs at walang habas namang binabaril at pinapatay ng mga pulis ang mahihirap at uhuging drug pusher at user? (Bert de Guzman)