DUMATING si Coco Martin sa gala premiere ng Cinemalaya movie na Pamilya Ordinaryo sa Cultural Center of the Philippines na pinagbibidahan ng nakakabata niyang kapatid na si Ronwaldo Martin.
Sey ng primetime king, gumawa siya ng paraan para makadalo, mapanood at masuportahan ang kapatid niya. Banggit pa ni Coco, nakikita niya ang sarili niya kay Ronwaldo noong nag-uumpisa pa lang siyang pumalaot sa showbiz.
Dagdag pa ni Coco, habang pinapanood niya ang naturang pelikula ay napahanga siya sa acting ng kapatid niya. Ayon pa sa actor, mas magaling umarte si Ronwaldo kaysa sa kanya noong nag-umpisa pa lamang siya.
Naniniwala si Coco na may mararating din ang kapatid niya sa larangan ng pelikula at telebisyon. Basta lang daw tutularan nito ang pagiging pasensiyoso niya at kung makapaghihintay ng tamang panahon.
Samantala, ipinagtanggol ni Coco si Maja Salvador. Aniya, walang katotohanan na nag-prima donna si Maja sa FPJ’s Ang Probinsyano na naging dahilan daw ng pagkawala nito sa show.
“Actually, baka dahil sa mga projects na gagawin niya. Hindi rin naman klaro sa akin kasi si Maja naman, marami siyang priorities. Alam kong marami siyang shows, mga out of town at sa abroad pa,” paliwanag ni Coco.
Aware si Coco na marami ang nalulungkot sa pagkawala ni Maja sa show lalung-lalo na ang mga tagahanga nilang Cocojams. Wala rin daw katotohanan na napabayaan ang role ni Maja sa serye nila.
“Hindi naman. Kasi sabi ko nga, eh, kung mapapansin n’yo, dito sa Probinsiyano, eh, lahat naman kami may pupuntahan ang mga papel na ginagampanan namin at ang mga kuwento namin,” lahad pa ng actor.
Wala pang ideya si Coco kung sa pag-exit ni Maja sa serye ay magkakaroon siya ng bagong leading lady. Pero ang tiniyak niya ay mahabang-mahaba pa raw ang itatakbo ng Ang Probinsyano. (JIMI ESCALA)
