CAMP RUPERTO KANGLEON, Palo, Leyte – Isang cargo ship na may kargang semento ang lumubog sa Southern Leyte nitong Linggo ng hapon, habang ganito rin ang sinapit ng isang bangkang pag-aari ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Surigao City.

Ayon sa report ni Senior Supt. Domingo Cabillan, hepe ng Police Regional Office (PRO)-8, batay sa ulat ni PRO-8 acting Director Chief Supt. Elmer Beltejar mula sa Southern Leyte Police Provincia Office sa Maasin City, dakong 1:15 ng hapon nang lumubog ang MB Divine Grace cargo vessel sa Sitio Sabang, Barangay Lubo sa Pintuyan.

Nasagip ng pulisya, katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), ang 21 tripulante ng barko, habang patuloy pang pinaghahanap ang apat na kasamahan ng mga ito.

Patungong Tacloban City at nanggaling sa San Fernando, Cebu ang barko nang magkaproblema sa makina nito hanggang sa tuluyang lumubog, ayon sa report.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Hindi naman makumpirma kung may kinalaman sa biglaang paglaki ng alon sa Southern Leyte ang aksidente.

Samantala, kumpirmado namang pinasok ng tubig ang engine compartment ng hindi rehistradong bangka na pag-aari ng DPWH kaya ito lumubog sa Barangay Taft sa Surigao City nitong Sabado.

Ayon sa PCG, ang bangkang M/B JSV-6 ay pag-aari ng DPWH-San Jose sa Dinagat Islands at minanduhan nina Elmer Bacus, Joseph Paymalan, Allan Ebuna at Alberto Campugan.

Wala namang nasaktan sa insidente. (Nestor Abrematea at Argyll Cyrus Geducos)