Matapos ang pansamantalang pamamahinga,magbabalik ang Beach Volleyball Republic Tour circuit sa Agosto 12 hanggang 13 sa Legazpi City.
Ang dalawang araw na kompetisyon ay bahagi ng pagdiriwang ng Ibalong Festival, isang taunang pagdiriwang kaugnay ng maalamat na kasaysayan ng siyudad na bahagi ng kanilang ginagawang promosyon sa turismo.
Pangungunahan ng University of Santo Tomas, nagkampeon sa idinaos na Ibalong Cup noong isang taon at kakatawanin nina UAAP Season 77 beach volleyball champions Cherry Rondina at RJ Rivera, ang mga kalahok na kinabibilangan ng nakaraang taong runner-up Far Eastern University, Team BVR, Air Force, Ateneo, Team Guam, at Coast Guard.
“Even before when we started holding exhibition games in Manila, which were the Kings and Queens of the Sands, we already knew that we wanted to grow the game further in the Philippines,” pahayag ni BVR founder Charo Soriano.
“The number one thing is to introduce the game to the public. But we realized that doing events in Metro Manila wouldn’t help as much as doing events in coastal communities. That’s when we decided to do BVR on Tour that would allow us to interact with the Coastal communities.”
Magkakaroon ng isang exhibition game sa pagitan ng BVR crew na binubuo ng Ateneo alumni at kanilang La Salle counterparts sa Agosto 15 sa Ibalong Centrum for Recreation.
Samantala, magkakaroon ang BVR on Tour ng una nilang Mindanao leg sa Tagum City Beach Volley Drome bago matapos ang taon. - Marivic Awitan