Ang pag-alis ni dating Pangulong Fidel V. Ramos (FVR) bilang special envoy sa China ay para sa isang diyalogo. Walang kongkretong mungkahi. Sa katunayan, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi makikipag-usap si FVR sa mga opisyal ng China, kundi sa mga kaibigan nito.
“He has many friends but it will not be the political officers,” sinabi ng Presidente. Ayon sa kanya, sinabi sa kanya ni Ramos nang magpulong sila bago ito bumiyahe—kasama si Rafael Alunan, dating interior secretary ni FVR—na mangingisda ito. At sinagot naman ito ni Duterte ng, “That’s good. Go ahead.”
Ganito kaiksi ang paglalarawan sa misyon ni dating Pangulong Ramos na paalis na patungong Beijing. Walang pormal na pag-uusap, walang pormal na negosasyon. Sisikaping makaharap ang ilan sa mga opisyal ng China sa layuning mapatatag ang ugnayan ng dalawang bansa.
Idaraos ang pulong ilang linggo makaraang ipalabas ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague, Netherlands, na nagsabing walang legal na basehan ang iginigiit na nine-dash line ng China sa halos buong South China Sea (SCS). Idinulog ng Pilipinas ang kaso sa PCA upang protektahan ang karapatan nito sa paggalugad sa Reed Bank at sa pangingisda sa Scarborough Shoal.
Sa simula pa man ay tumatanggi na ang China na kilalanin ang pagdinig. At nang ilabas na ang PCA ang desisyon nito, idineklara ng China na hindi nito iyon tatanggapin. Walang tinukoy na probisyon sa pagpapatupad sa nasabing pasya ng korte. Kaya naman naninindigan ang China sa posisyon nito. At dahil may kakayahan itong ipatupad ang pag-angkin nito sa pinag-aagawang teritoryo, nanatiling walang kakayahan ang ating mga kumpanya ng minahan na ipagpatuloy ang paggalugad nito para sa langis at petrolyo sa Reed Bank, at ipinagkakait pa rin sa ating mga mangingisda ang tradisyunal nilang pag-aahon ng yamang-dagat sa Scarborough.
Gaya ng China, may opisyal ding pinaninindigan ang Pilipinas sa desisyon ng PCA. Gaya ng inihayag ni Secretary of Foreign Affairs Perfecto Yasay, iginigiit ng Pilipinas ang opisyal nitong posisyon na ang desisyon ng PCA na kumakatig sa paninindigan ng Pilipinas sa South China Sea ay pinal at umiiral. “When the time comes for official negotiations, we will not go out of the arbitral award,” sinabi ni Pangulong Duterte.
Ngunit hindi ito ang panahon para igiit ang usapin. Hindi magtutungo sa China si dating Pangulong Ramos upang bigyang-diin ang opisyal na paninindigan ng Pilipinas. Magtutungo siya roon upang makipaghuntahan sa ilang kaibigan, posibleng mangingisda kasama sila, o kaswal na pag-usapan ang mga hakbangin upang mapaigting pa ang ugnayang pangkalakalan at pangkultura ng dalawang bansa.
Ito ang tipikal na paraan ng mga Asyano sa pagharap sa mga usapin. Sa katunayan, ito ang paraan ng ASEAN—nagkakasundo, hindi sa paraang nagkukumpronta. Sa harap ng simpleng pag-uusap-usap tungkol sa iba’t ibang isyu, hindi imposibleng mabuksan ang usapan sa mistulang pasikut-sikot at maselang isyu. Ito ang misyon ni FVR na tinanggap niya mula kay Pangulong Duterte, at kaisa tayo sa pag-asam ng pinakamabuti para sa pagsasakatuparan ng misyon niyang ito.