IPINAG-UTOS na ni Pangulong Digong ang “shoot-to-kill” sa 27 local executives na kinabibilangan ng mga alkalde, isang kongresista at opisyal ng pulis na umano’y sangkot sa ilegal na droga. Ayon sa kanya, na-validate na ang listahan ng mga pulitiko ng intelligence authorities. Ginamit aniya ng mga pulitiko ang kanilang posisyon sa gobyerno upang magpayaman gamit ang droga. Papangalanan na raw niya ang mga ito. “Mas mauna kayo sa civilian,” wika ni Pangulong Digong, “hindi na kailangan ang due process”.
Nauna na nga ang mga sibilyan sa mga ito. Mayroon na palang listahan ng mga pulitiko at opisyal ng pulis na sangkot sa droga, bakit hindi sila ang inuna? Kahit sabihin ng Pangulo na sa mga taong ito ay hindi na kailangan ang due process, hindi naman pinaiiral ng mga pulis ang kanyang kautusang “shoot-to-kill.” Hinahayaan nilang sumuko at makipagkita ang mga ito kay PNP Chief “Bato” Dela Rosa. Sa harap ng media, pinagpapaliwanag pa ang mga sumusuko sa kanya. Pinatutulog pa niya sa White House. Ganito trinato ni Hepe si Mayor Rolando Espinosa, Sr. nang sumuko sa kanya sa takot na siya ay mapatay.
Nitong nakaraaang Biyernes, sumuko rin kay Chief Dela Rosa sina Maguing, Lanao del Sur, Mayor Mamaulan Abinal Mulok, at dating Marantao, Lanao del Sur Mayor Mohammad Ali Abu Abinal na kapwa inamin ang kanilang pagkakasangkot sa ilegal na droga. Tulad ng ginagawa ni Hepe, iniharap niya ang dalawa sa media. Sa kabila ng “shoot-to-kill” order ng Pangulo, binigyan sila ng pagkakataong sumuko.
Bakit hindi ganito ang ginawa ng mga pulis sa mga naunang sangkot sa droga? Pinaslang na lang nila sila dahil nanlaban na laging lumang .38 revolver at ilan lang sachet ng shabu ang pinalalabas ng mga pulis na dala nila nang sila ay mapatay.
Marami nang sibilyan ang napatay, karamihan ay mga dukha, bago sinimulan ng Pangulo ang kampanya laban sa ilegal na droga sa mga narcopolitico at opisyal ng pulis. Dapat sa mga ito siya nag-umpisa dahil ayon sa kanya, ay hindi naman kailangan ang due process. Sa mga ito kasi, nagbubuhat ang drogang ibinebenta ng mga napatay.
Ayon kay Dela Rosa, sa Quiapo, Maynila, ibinebenta ng mga sumukong alkalde ang droga. Hindi kaya iyong mga inunang pinatay ng mga pulis ay mga tulak ng drogang nagbuhat sa mga narcopolitico at opisyal ng pulis? Kahit ba magsisuko na iyong mga binantaan ng Pangulo ng shoot-to-kill, hindi ko alam kung maiipit pa ang mga ito. Patay na ang mga nakatransaksyon nila at wala nang tetestigo laban sa kanila.