MATAPOS makababa sa eroplano, tiyak na magsisimula nang mamuo ang pawis sa noo mo. Ito ang paraan ng mahalumigmig na Rio De Janeiro para magsabi ng “hello.” Papalibutan ka ng mga lilim ng luntian — maraming tropical forest na nakasiksik sa pagitan ng mga gusali—at kumakaway sa ‘di kalayuan ang asul na tubig ng kahali-halinang baybayin.
Nakatunghay sa 2016 Summer Olympics host city ang tanyag na bantayog ng Christ the Redeemer. Matapos ang ilang araw, matatawa ka kapag ang isang hotel brochure o tour guide ay aalukin ka ng isang bagay at sasabihing kasama rito ang pagtanaw sa bantayog.
Naroon si Hesus sa lahat ng dako ng lugar, na kasing rami ng tukso at kasalanan na nagkalat sa siyudad. Sa Brazil, legal ang prostitusyon, ngunit hindi ibig sabihin na makikita mong nagbebenta ng katawan ang kalalakihan at kababaihan sa buong lungsod. Sa paglilibot, mas makakatagpo ka ng mga simbahan, partikular ang lumalaking dominasyon ng mga evangelical tulad ng Pentecostals.
Sa tuktok ng burol, makikita mo ang maliliit na tirahan na parang mga kubol na gawa sa bato na magkakadikit, may kulay na pula, berde, rosas, at kahel. Ang mahirap na lugar ng Rio, kilala bilang favelas, ang pinakamakulay sa lungsod, makulay ang kultura at punumpuno ng nakakawiling tao. Sila rin ang pinakamahirap sa lungsod, na madalas na kinokontrol ng mga drug trafficker at madalas ang eksena ng karahasan.
Sa kabila ng Rio, maaari kang makarinig ng putok ng baril. Maaaring ito ay mga drug dealer na nakikipaglaban para sa teritoryo, o mga pulis na nagsasagawa ng operasyon. Madalas na nangyayari ang karahasan sa favelas.
Matutukso kang kuhanan ng litrato sa iyong smartphone ang makukulay na bahagi ng siyudad. Ngunit luminga-linga ka muna sa paligid bago gawin ito. Ang “Cidade Maravilhosa” ay matagal nang pinamumugaran ng karahasan at nakawan na maaaring mangyari kahit anong oras kada araw, at kahit saang lugar.
Patuloy kang maglakad pakanluran para makarating ka sa mga dalampasigan ng Ipanema. At kung nais mo pang gumastos, kailangan mo pang lumayo nang konti patungo sa Leblon, ang pinakasosyal na lugar sa Rio.
Taglamig sa Southern Hemisphere, pero marami pa ring tao sa dalampasigan, parehong lokal at mga dayuhan ay nagtatampisaw—ang temperatura ay madalas na nasa mid-80s at minsan ay mas mababa pa sa 90s.
Ngunit ang dalampasigan ng Rio ay hindi lang tungkol sa kababaihan na naka-bikini at kakalalakihang naka-speedo. Mayroon ding pickup soccer, volleyball games, at copoeira martial arts.
Kung tungkol naman sa tunog, mga kapihan, food stands at bars, madalas na marinig ang musika ni Caetano Veloso o Gilberto Gil, dalawa sa kilalang musikero ng bansa na tanyag sa buong mundo.
Kung napagod ka sa lahat ng ito, sa bawat sulok ng lungsod ay may mag-aalok ng perfect pick-me-up: prutas.
Kaya mag-relax lang at magpakasaya! Ito ang siyudad na nililibot ngayon ng mga bisita ng 2016 Rio Olympics. - Associated Press