Ni JIMI ESCALA
RESPONSIBLE at very dedicated na single mom si Ms. Sunshine Cruz. Lahat ng mga pagsisikap niya ay inilalaan niya para sa kanyang tatlong anak.
Kaya tuwang-tuwa siya nang ibinalita na kasama siya sa pang-Metro Manila Film Festival movie na pinagbibidahan ni Vhong Navarro.
Ang tinutukoy na pelikula ng aktres ay ang Mang Kepweng Returns. Makakasama rin nila ni Vhong sina Jaclyn Jose, Lotlot de Leon,Jhong Hilario, James Blanco, Kim Domingo,Valeen Montenegro at maraming iba pa sa sikat na comics strip na unang ginawa at pinabibidahan ng namayapang komedyanteng si Chiquito sa direksiyon ni Direk JB San Pedro.
“Thank you, Lord at binigyan na naman Niya ako ng panibagong blessings,” banggit ni Sunshine sa amin.
Aniya, hindi na magiging problema ang shooting ng pagbabalik-pelikula niya dahil nagkataon na magtatapos na rin ang Dolce Amore na nakasiyam na buwan sa ere.
Pero dahil MMFF entry ang Mang Kepweng Returns ay tiyak na isa sa mga makakabangga nila sa takilya ang pelikulang pinagbibidahan naman ng dating asawa niyang si Cesar Montano. Si Cesar ang bida sa MMFF movie ring Sultan Kudarat.
“Well, good luck na lang sa aming dalawa,” natatawang wika ng aktres. “Tiyak na magkikita kami sa parade. Siya ang line producer ng pelikula niya at ako, eh, artista lang sa movie naman namin.”
Nurse ang papel ni Sunshine sa Mang Kepweng Returns. Matagal na raw pinaplano ng pumanaw na si Direk Wenn Deramas ang nasabing comedy movie pero hindi naumpisahan sa rami ng projects na ginawa nito.
“Role ko dito, eh, isang nurse na magkakaron ng malubhang sakit. Parang ganu’n pero I still need to read the whole script,” sey pa ni Sunshine.
Speaking of Dolce Amore, ngayon pa lang ay nami-miss na ni Shine ang mga kasama niya sa primetime series ng ABS-CBN na lalo pang nagpatibay sa love team nina Liza Soberano at Enrique Gil. Pero kagaya ng ilang nakakausap naming avid followers ng serye, may mga nadismaya kung paano nagtapos ang papel na ginampanan ni Sunshine.
Kung paano raw naging bongga at talagang pinag-uusapan ang mga naunang nagawa niyang teleserye, lumabas na parang pangdekorasyon lang ang partisipasyon ng aktres.
Pero walang ganitong pakiramdam si Sunshine sa pag-exit ng role niya sa Dolce Amore.
“Well, okey lang naman at maganda naman ang trato sa akin ng mga taga-Star Creatives. Kaya lang may mga nagsasabi na parang nawalan ng relevance ang role ko,” sey ni Shine.
Umaasa siya na mabibigyan uli ng panibagong project sa Dos. Kailangan daw niya ito para sa mga anak niya. May importanteng lakad siya sa ibang bansa sa susunod na buwan pero ipina-off the record muna niya.
“Tatapusin ko muna lahat ng commitments at konting ipon pa. I am thinking of accepting ‘yung mga series of shows for Pagcor sa darating na September para kahit magpahinga lang ng konti, eh, may panggastos pa rin sa mga kids ko,” banggit ng aktres.
Labis-labis ang pasasalamat ni Sunshine sa ABS-CBN na hindi siya pinababayaan.
“Very thankful ako sa kanila, kasi nakakatulong ‘yun sa akin at lalung-lalo na sa mga anak ko. Sana nga, ang next na gagawin ko, eh, mas challenging,” banggit pa ng aktres.
Samantala, tuloy pa rin ang legal battle nila ng dating asawa.
“Nakakapagod na pero ‘di talaga p’wede na panghinaan ako ng loob. Kawawa mga kids ko. Kinakaya inspite of...” sambit pa ni Ms. Sunshine Cruz.