Madugo ang pagkamatay ng isang pulis na umano’y sinibak dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga, matapos tambangan at pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang salarin sa Caloocan City, noong Sabado ng gabi.
Pinagbabaril hanggang sa mapatay si Renel Aguilar, 47, dating nakadestino sa Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng Morong Bataan, Police Station, residente ng Barangay 28 ng nasabing lungsod.
Sa ulat kay Police Sr. Supt. Jonhson Almazan, hepe ng Caloocan Police, nangyari ang pamamaril sa kahabaan ng Raples St., Bgy. 28, Caloocan City, dakong 7:30 ng gabi.
Nabatid na naglalakad papauwi ang biktima nang biglang harangin at pagbabarilin ng dalawang lalaki na naka-bonnet at lulan ng motorsiklo.
Si Aguilar ay nasibak sa kanyang trabaho noong 2004 matapos umanong masangkot sa pagbebenta ng shabu. - Orly L. Barcala