PINAGSABIHAN ni President Rodrigo Roa Duterte si Jose Maria Sison (Joma), founder ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), na tumigil sa pagngangawa at hayaan ang mga negosyador ng CPP-NPA at PH panel ang magsalita at makipag-usap hinggil sa usaping pangkapayapaan. ”Just shut up and let others talk.” 

Okey lang kay Mano Digong kung uuwi siya sa Pilipinas bagamat may teknikalidad ang pagbabalik sa bansa ng CPP-NPA supremo. Madali itong sabihin, pero mahirap maisakatuparan bunsod ng political asylum na hinihingi niya sa The Netherlands na ngayon ay kumukupkop sa kanya. Una rito, inakusahan ni Joma si RRD bilang isang bully at butangero.

Hindi raw basta-basta makababalik si Joma sa ‘Pinas. Hindi siya basta na lang makalalabas sa Netherlands dahil siya ay nasa ilalim ng asylum status. Kapag siya ay lumabas sa Netherlands at bumalik pagkatapos, hindi na siya tatanggapin pa nito. Bukod dito, kapag umuwi sa ‘Pinas si Joma, maaaring siya ay arestuhin ng US gov’t sa kanyang pag-stop-over sapagkat itinuturing siyang isang terorista ni Uncle Sam gaya ng pagiging terorista ng Abu Sayyaf at iba pa.

Naniniwala ang marami na wala o kulang na ang impluwensiya ni Joma sa kilusang komunista sa Pilipinas. Ang kinikilala nilang mga lider ay ang mag-asawang Tiamzon--Benito at Wilma—na ngayon ay nakapiit sa Camp Crame. Balak ni President Rody na palayain ang dalawa bilang confidence-building sa peace talks sa CPP-NPA-NDF. Ayon kay Presidential spokesman Ernesto Abella, kabilang sina Benito at Wilma sa bibigyan ng “safe passage” upang lumahok sa usapan.

Sina Tiamzon ay nadakip ng pinagsanib na puwersa ng mga kawal at pulis sa Bgy. Zaragoza, Aloguinsan, Cebu noong Marso 22, 2014. Noon, si Benito ang CPP-NPA chairman at si Wilma ang Secretary General. Sila ang nag-takeover sa liderato ng kilusang komunista mula kay Joma na naka-exile sa Netherlands samantalang sina Tiamzon at ang mga NPA commander ang nasa kabundukan, nagtatago sa gobyerno.

May mga pahiwatig na talaga yatang lumalambot na ang puso ni Mano Digong sa PH media. Okey lang na siya ay punahin at batikusin basta ito ay batay sa katotohanan. “Go ahead, criticize me. I’m just your worker,” sabi ni Digong sa kanyang pakikipagpulong sa ilang media people. Matatandaang nagalit si RRD sa local media at hinamon pa na iboykot siya. 

Hindi batid marahil ni Mano Digong na hindi naman ang Philippine media ang nagbanta ng boycott sa kanya kundi ang Reporters Without Borders (RWB) na naka-base sa Paris, France. Hinikayat ng RWB ang PH media na boykotin si RRD dahil sa pahayag niya na lehitimong target ng asasinasyon ang mga journalist na “bayaran at corrupt.”