ZAMBOANGA CITY – Sa kabila ng presensiya ng libu-libong sundalo at pulis sa Patikul, Sulu, nagawa pa ring dukutin ng Abu Sayyaf Group (ASG) nitong Sabado ng umaga ang isang mag-asawa at isang “Sharif” o kaanak ni Propeta Mohamad sa Sulu.
Sa military report kahapon, kinilala ang mga biktimang sina Sharif Julhasan Abirin, nasa hustong gulang; Levi Gonzales, 30, technician ng Globe Telecom; at ang buntis na asawa ng huli na si Daniella Taruc, 26 anyos.
Sapilitang tinangay ng ASG ang tatlo patungo sa Sitio Kaban-Kaban sa Patikul, dakong 10:20 ng umaga nitong Sabado.
Sakay ang tatlo sa itim na multi-cab galing sa Jolo at patungo sa cell site ng Globe Telecom sa Barangay Bagsak sa Talipao nang harangin sila ng mga armadong miyembro ng grupo, at kalaunan ay nadiskubre ang abandonado nilang sasakyan sa service road ng Bgy. Timpook.
Sa kabuuan, nasa halos isang dosena na ang bihag ng Abu Sayyaf, kabilang ang ilang dayuhan, na patuloy na sinisikap na iligtas sa mga operasyon ng pulisya at militar.
Kabilang sa mga dayuhang bihag ng ASG ang Norwegian na si Kjartan Sikkengstad, ang natitira sa apat na dinukot ng grupo sa Samal Island noong Setyembre 2015. Matatandaang ang Pinay lang na si Marites Flor ang pinalaya ng grupo, habang pinugutan naman ang kapwa Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall. - Nonoy E. Lacson