NAGSIMULA na ang 2016 Summer Olympics — opisyal na tinaguriang Games of the XXXI Olympiad — sa Rio de Janeiro, Brazil, na mahigit 11,000 atleta mula sa 206 na National Olympic Committee ang makikibahagi sa quadrennial event na hindi lamang isang tagisan sa pagitan ng mga bansa kundi isang pagtitipon para ipagdiwang ang kapayapaan at pagkakaibigan.

Sa opening ceremony sa Macaraña Stadium sa Rio nitong Biyernes, nakiisa ang Pilipinas sa sama-samang pagpapakita ng masiglang pagmamalaki sa sariling bansa. Mayroon tayong 13 kuwalipikadong atleta, lubhang maliit na bilang kung ikukumpara sa mga kakatawan sa mga sports powerhouse na gaya ng United States na may 554, Germany na may 425, China na may 413, at siyempre pa, ang punong abala na Brazil, na may 465 pambatong atleta. Ngunit mayroong 63 iba pang bansa na may 13 kalahok lamang, gaya ng Pilipinas.

Sumabak na agad sa table-tennis ang unang Pilipinong Olympian sa unang araw pa lang ng kompetisyon matapos ang opening rites nitong Biyernes ng gabi. Simula ngayon hanggang sa huling araw ng kompetisyon sa Agosto 20, 12 iba pang Pilipino ang makikipagpaligsahan sa swimming, boxing, weightlifting, judo, swimming, golf, athletics, at taekwondo.

Habang patuloy tayong umaasam na makasungkit ng isa o dalawang medalya, hindi nakasama ang mga Pilipino sa listahan ng mga sports analyst sa mundo ng mga posibleng makapag-uwi ng medalya. Gayunman, ang isa sa ating mga boksingero, ang light-flyweight na si Rogen Ladon — sakaling susuwertihin sa draw — ay maaaring makasungkit ng tanso kung mapapanalunan niya ang dalawa sa tatlo niyang laban. Ang pinakamataas na Olympic medals na napanalunan ng Pilipinas ay pilak, na iniuwi ng featherweight na si Anthony Villanueva mula sa 1964 Tokyo Olympics, at isa pang pilak na natamo naman ng light-flyweight na si Mansueto “Onyok” Velasco noong 1996 sa Atlanta Olympics.

Sa nakalipas na mga buwan, nagkaroon ng mga usap-usapan na makalalahok ang ating multi-division boxing champion na si Manny Paquiao dahil sa unang pagkakataon sa kasaysayan ay tatanggapin na sa Olympics ngayong taon ang mga propesyunal na boksingero, ngunit kalaunan ay napagtantong hindi ito patas kaya hindi ito naisakatuparan. Umasa rin tayo na makalalaro sa Rio ang ating pambansang koponan sa basketball ngunit natanggal tayo sa Asian semifinals na idinaos sa Pasay City.

Dahil dito, tututukan ng mga Pilipino tagahanga ang Rio Olympics dahil sa mga pambihira at natatanging record na naitatala ng mga atleta ng iba’t ibang bansa. Ang bawat bagong bilis na naitala sa track o sa swimming, bawat taas na naabot sa field events, bawat bagong naitala sa weightlifting, bawat record na nabura, at bawat tagumpay ng koponan ay isang selebrasyon ng diwa ng sangkatauhan na nagpupunyagi upang maging “Faster, Higher, Stronger.” Nakikiisa tayo sa pandaigdigang pagdiriwang na ito.

Gayunman, hindi tayo dapat na tumigil sa paghahanap ng mga paraan at patuloy na magsikap upang maihilera na natin ang Pilipinas sa mga bansang nagsisipaghakot ng medalya sa larangan ng palakasan. Tiyak na sa bansang ito na may mahigit 100 milyong katao, mayroon tayong mga atleta na buong galing na makikipagtagisan sa pinakamahuhusay sa mundo at magwawagi. Hindi pa tayo nakasusungkit ng gintong medalya sa Olympics. Ngayon pa lang, pagpursigehan na natin ang isa nito sa Tokyo Olympics sa 2020.