HALOS magkakasabay ang malalaking balita noong nakaraang Biyernes sa loob mismo ng Camp Crame kaya’t ang mga mamamahayag na nasa kampo ay ‘di magkandatuto kung anong detalye ang uunahing kunin para maisulat agad ang istorya. Pero iba ang nilalaro ng isipan ko: Ano kaya ang mangyayari sa mga “MATUTULIS” na pulis.

Bibisitahin kasi ni Director General Roland “Bato” Dela Rosa, Philippine National Police (PNP) chief, ang PNP Retirement and Benefits Administration Service (PNP-RBAS) - ang opisinang nagsasaayos at nangangalaga ng pag-release ng pensiyon, benipisyo at iba pang mga claims, ng mga retiradong pulis, mga kamag-anak at biyuda ng mga pulis na namatay habang nasa serbisyo pa.

Sobrang interesado ako sa anumang sasabihin ni CPNP Bato sa mga empleyado ng opisinang ito na alam kong maraming empleyadong sobrang magpahirap sa mga retiradong pulis, at mas lalo na sa mga biyuda ng mga pulis na naglalakad ng kanilang mga “claims” at iba pang benepisyo.

Reporter pa ako noon ay marami na akong alingasngas na naririnig hinggil sa mga panggugulang ng ilang empleyado ng PNP-RBAS pero wala akong mahanap na magrereklamo ng buong tapang laban sa kanila. Kaya nang malaman kong pupunta si CPNP Bato sa PNP-RBAS, ay ‘di na ako mapakali. Alam kong mag-a-ala “Junior Digong” na naman si “Bato” sa harap ng mga mapagsamantalang tao—at hindi nga ako nagkamali.

Sa unang arangkada pa lang ni CPNP Bato, laglag na agad sa kanilang upuan ang mga “MATUTULIS” na empleyado. Nag-warning agad si CPNP Bato sa mga “MATUTULIS” na pulis na ang kinakana raw ay ang mga biyudang naglalakad ng pensiyon at iba pang benepisyo ng namatay nilang asawang pulis.

“I will treat you like a drug lord. Una ko kayong papatayin talaga kapag ganyan kayong klaseng pulis. Dun kayo mambabae sa labas ‘wag dito,” ang nanggagalaiting banta ni CPNP Bato sa harap ng mga empleyado ng PNP-RBAS.

Marami kasing biyudang nagsumbong kay Pangulong Duterte hinggil sa pananamantalang ito sa opisina ng PNP-RBAS. Kalimitan na raw na ‘di pa man nakukuha ng biyuda ang benepisyo ay nabubuntis na ito ng taga-RBAS na naglalabas sa kanila kaya’t lalong nababaon sa problema ang kawawang biyuda.

Kaya naman agad na inatasan ni Duterte si CPNP Bato na siguraduhing matigil na ang panlalamang na ito sa mga biyudang napipilitang makipag-date sa empleyado ng PNP-RBAS kapalit nang mas “mabilis” na release ng kanilang nilalakad na benepisyo.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o kaya’y mag-email sa: [email protected]