Ni GENALYN D. KABILING

Ipaaaresto ang mga opisyal ng mga kumpanya ng minahan na papalag sa closure order na ipalalabas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ito ang babala ni Pangulong Duterte kahapon.

Pinayuhan ng Presidente ang mga kumpanya ng minahan na tumalima sa closure order ni Environment Secretary Gina Lopez upang makaiwas sa pag-aresto.

“If she orders the closure, you close or else I’ll have you arrested,” sinabi ng Pangulo sa isang televised public address sa Davao City kahapon ng madaling araw.

Probinsya

Babaeng rider, patay matapos mabagsakan ng natumbang puno habang nagmamaneho

“I will not hesitate to arrest you,” dagdag ng Pangulo, na binatikos ang industriya ng pagmimina dahil sa matinding pinsalang naidudulot nito sa kalikasan.

Sa utos ng Pangulo, naglunsad si Lopez ng crackdown sa mga iresponsableng kumpanya ng minahan sa bansa, at ipinag-utos ang pagbusisi sa operasyon ng mga ito. Anim na mining company na ang sinuspinde ang operasyon mula nang simulan ang auditing noong nakaraang buwan.

Una nang sinabi ng Presidente na hindi kawalan sa bansa ang sektor ng minahan, na tinawag niya bilang isa nang “sunset industry.”

Sinabi ni Duterte na nakahanda siyang mawala ang P40 bilyon taunang kita ng mining industry maprotektahan lang ang kalikasan.

Sa pagtutok ng DENR sa mga lumalabag sa batas pangkalikasan, determinado ang gobyerno na limitahan ang paglalabas ng mga bagong mining permit upang matiyak na mapangangalagaan ang kalikasan mula sa karagdagang pinsala, ayon kay Duterte.