TARLAC CITY – Kahit nasa loob na ng simbahan at taimtim na nagdarasal, biniktima pa rin ng hindi nakilalang kawatan ang isang mag-asawa na natangayan ng mga electronic gadgets sa Tarlac City.
Ayon sa report ni SPO2 Lowell Directo, pasado 4:00 ng hapon nitong Sabado, nakaluhod at nagdarasal ang mag-asawang Bryan Melcho, 24; at Princess Melcho, ng Block 2, Barangay Sta. Cruz, nang tangayin ng suspek ang backpack na iniwan nila sa gilid ng upuan sa simbahan.
Nasa loob ng backpack ang mahahalagang ID ng ginang, P1,000 cash, Nokia X cell phone na nasa P8,000 ang halaga, Samsung Grand Prime cell phone na nagkakahalaga ng P12,000, at iba pang importanteng dokumento. - Leandro Alborote