Napasakamay na ng mga awtoridad ang isang dayuhan na umano’y nagsu-supply ng ilegal na droga sa mga bar at night club sa Makati City matapos salakayin ng mga tauhan ng Anti-Illegal Drugs Task Force (AIDTF) ng Philippine National Police (PNP) ang tinutuluyan nitong hotel room sa nasabing lungsod kahapon.
Nasa kustodiya ng PNP sa Camp Crame, Quezon City at isinasailalim sa masusing imbestigasyon ang suspek na nakilala sa alyas na “Zak”, isa umanong Israeli, nasa hustong gulang, nang makumpiskahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P10,000, drug paraphernalia, pasaporte at dokumento ng isang Hapon na kanyang ginagamit sa ilegal na gawain, ngunit wala itong pasaporte at valid identification (ID) card na magpapatunay na siya’y mamamayan ng Israel.
Ikinatwiran ni Zak na nawawala ang iba niyang dokumento dahil siya’y nanakawan.
Sa record ng PNP, unang naaresto sa operasyon ang isa umanong drug pusher na kinilalang si Jay Zamora at itinuro si Zak na siya umanong supplier ng mga ibinibenta niyang droga sa mga parokyano.
Mariin namang itinanggi ni Zak ang paratang at ikinatwiran na nagbabakasyon lang siya sa Pilipinas. - Bella Gamotea