DAVAO CITY – “I would insist you include the landmine issues, or else no (peace) talks at all. Then we fight for another 45 years.”

Ito ang binitiwang ultimatum ni Pangulong Duterte sa New People’s Army (NPA) upang agarang tugunan ng rebeldeng grupo ang panawagan niyang tigilan na ang paggamit ng landmine laban sa militar, sa kanyang pagbisita sa burol ng apat na sundalo sa Eastern Mindanao Command (Eastmincom) nitong Sabado.

“If I hear another explosion, killing people—not only soldiers—killing people. No talks, pasensya na. Hindi naman nauubusan ng pera ang gobyerno, hindi naman talaga ninyo kaya tumbahin,” aniya.

Iginiit ng Pangulo na ipinagbabawal ang paggamit ng landmine sa puwersa ng gobyerno alinsunod sa Geneva Conventions of 1949, na signatory ang Pilipinas.

Nagbanta pa si Pangulong Duterte sa NPA na kung hindi nito titigilan ang paggamit ng landmine ay ipag-uutos din niya sa militar at pulisya ang paggamit din ng landmine para maging patas ang laban.

DOE, nagbabala laban sa mga mananamantala ng presyo ng produktong petrolyo!

“I cannot understand for the life of me that if it is to your advantage you invoke the Geneva Convention provision, and yet time and again, I’ve been the mayor of this city, sinabi ko sa inyo akala ko ba sumusunod tayo ng Geneva Convention? Or would you like that I would also order the Armed Forces na ‘gamitin ninyo ang landmine, ‘pag kayo ang naka-position at in-ambush n’yo’, which is which?” aniya.

Sinabi ng Pangulo na kung patuloy na gagamit ng landmine ang NPA laban sa militar, hihilingin niya sa government peace panel na huwag nang ituloy ang negosasyon sa Communist Party of the Philippines sa Oslo, Norway sa Agosto 20. - Antonio L. Colina IV