Ni MARY ANN SANTIAGO

Isang kasambahay, na bagong pasok lamang umano sa trabaho, ang natagpuang patay sa kanyang kuwarto sa bahay ng kanyang pinagtatrabahuhang marine welding training center sa Pandacan, Manila kamakalawa.

Kinilala ang biktima na si Elvira Ferrer, 56, nanunuluyan sa Room 1 ng McGregor Maritime welding training center sa 1702 Quirino Avenue, Pandacan, Manila.

Sa ulat ni Det. Joseph Kabigting, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na dakong 12:30 ng hapon kamakalawa nang madiskubre ang bangkay ng biktima.

Napag-alaman na huling nakita si Ferrer dakong 8:00 ng gabi ng Agosto 5 nang matapos itong magtrabaho ay pumasok na sa kanyang kuwarto.

Probinsya

Nasa 15 katao, sugatan sa salpukan ng isang jeep at kotse; 5 sa kanila, nadaanan lang!

Kinabukasan ay nagtataka umano ang mga trainee kung bakit hindi nakapagluto ng almusal ang biktima.

Pagsapit ng 12:30 ng tanghali ay nagtaka na umano ang mga trainee dahil hindi pa rin nila nakitang lumabas sa kuwarto ang biktima.

Nagpasya na umano sina Ramon Mariano Jr., welder, at Hermie Serran, seafarer, na katukin na sa kanyang silid ang biktima upang alamin ang kondisyon nito, ngunit hindi umano ito sumasagot.

Ipinaalam na umano nila ito sa may-ari ng bahay at kaagad na nagdesisyon na puwersahan nang buksan ang pinto ng kuwarto ni Ferrer.

Dito na tumambad ang bangkay ng biktima at agad ini-report sa mga pulis.

Hinala ng mga pulis na posibleng namatay sa atake sa puso ang biktima dahil wala itong palatandaan na sinadya ang krimen.