Binaril hanggang sa malagutan ng hininga ang isang drayber ng pampasaherong jeep ng isang hindi kilalang salarin na nagpanggap na pasahero sa Sampaloc, Manila noong Sabado ng gabi.

Binabagtas ni Ricardo Delemon, 36, at ng kanyang asawa na si Gina Rose, 29, kapwa residente ng 1909 Vizayan St., Sampaloc, ang Vicente Cruz patungong Balic Balic nang sumakay ang lalaking suspek.

Nang makarating na umano sila sa Vicente Cruz cor. Fermeza St., sumenyas umano ang suspek sa drayber para pahintuin ang jeep. Ngunit bago bumaba, binunot ng suspek ang kanyang baril at sunud-sunod na pinaputukan si Delemon sa likod.

Tumakas ang suspek sa tulong ng nakaabang na motorsiklo na sumusunod sa kanila sa kabuuan ng biyahe.

Isinugod ni Gina ang kanyang asawa sa Ospital ng Maynila, ngunit idineklara na itong dead on arrival dakong 6:45 ng gabi.

Politics

5,000 posisyon, mababakante kung maipasa ang 'Anti-political dynasty' bill

Ayon kay PO3 Joseph Kabigting, case investigator, sinubukan niyang kunin ang closed-circuit television (CCTV) footages, ngunit ayon kay Barangay Chairman Leonardo Pilar, pinatay nila ang CCTV dulot ng malakas na ulan.

Sinubukan kapanayamin ang mga tao sa pinangyarihan ngunit walang makapagbigay ng sapat na detalye sa nangyari. - Mary Ann Santiago