Ni REGGEE BONOAN
USUNG-USO ang mga pagkaing organic na hindi ginamitan ng fetilizers o walang halong preservatives na dahilan ng maraming sakit na nakukuha ngayon, kaya nagtatanim na ang karamihan sa kani-kanilang bakanteng lote at naging small business na rin kalaunan ng iba.Pero hindi masyadong particular sa mga pagkaing organic si Jean Garcia.
“Parang marketing strategy lang ‘yan ng business kaya mahal. Though healthy naman talaga ‘pag organic, eh, lumaki naman tayong healthy noong araw naman walang orga-organic, namamalengke lang sa Farmers (Market) ng fresh na gulay okay na tayo.”
Kumakain ba siya ng organic foods?
“Well, ‘pag mayroong nagbigay o nagregalo ganyan, pero hindi ako masyadong maarte sa pagkain.”
Naikuwento tuloy ni Jean ang anak niyang si Jennica Garcia na hands-on mom sa nag-iisang anak nila ni Alwyn Uytingco na halos lahat daw ng ipinapakain sa anak ay nire-research pa at kailangang organic lahat.
“Lahat nire-research niya, sabi ko nga, ‘Honey huwag naman masyado... kawawa naman ang aking apo, baka (lumaking) stiff, ang daming restrictions, ganyan, tapos organic pa’.
“Sabagay kasi first baby, baka ‘pag naging dalawa o third na, I’m sure mapapagod na rin ‘yan. Sabi ko nga, ‘Kayo nga lumaki naman kayong hindi organic ang mga food, pero maganda rin para healthy rin ang bata.’
Naitanong din kay Jean kung okay lang sa kanya na tawagin siyang lola.
“Nu’ng nag-asawa na sina Alwyn at Jen, tinanong ako kung ready na raw ba akong matawag na lola, sabi ko nga, ‘Naku hindi ako ready kasi di ba, parang teka muna, tatawagin na akong lola’.
“Pero nu’ng lumabas na ‘yung baby, payag na payag na ako, tawag sa akin ‘lala or mama lala’,” masayang kuwento ng aktres na leading lady ni Richard Yap sa Mano Po 7 ng Regal Entertainment.
Kung ang ibang artista ay sinasabing matanda na dahil may apo na, kakaiba naman ang pakiramdam ni Jean.
“Feeling ko para akong bumata kasi parang mayroon akong bagong baby, parang baby na hindi ko apo,” kuwento ni Jean. “Heto nga, may tumawag sa akin (editor ng magazine) na kung puwede raw kaming i-feature maglola. Sabi ko, ‘Oo payag na payag ako, kami lang, ha huwag n’yo isama ang magulang.”
Masaya pang ikinukuwento ni Jean na natutuwa siya sa mag-asawang Alwyn at Jennica dahil wala silang kasambahay, kaya ang mga ito mismo ang nag-aalaga sa anak at gumagawa ng mga gawaing bahay.
Binanggit din namin na nakita namin sina Alwyn at Jen na namamasyal sa mall kasama ang anak na naka-stroller.
“Yes, kasama nilang nanonood ng sine kung puwede sa bata, hindi nila iniiwan kung kani-kanino ang anak nila, silang tatlo talaga magkakasama lagi,” masayang kuwento ng aktres.
Samantala, zero ang lovelife ni Jean pero hindi naman siya naghahanap para magkaroon ulit, pero nakikipag-date siya, walang seryosong relasyon.
“Ini-enjoy ko na mag-isa lang, walang pressure sa pagpapaalaman kung saan ako pupunta or something, masarap at handa naman akong tumandang mag-isa,” pahayag ni Jean.
Crush daw siya ni Richard Yap noong bagets pa siya...
“Oo nga, nagulat ako, nakakatuwa lang na makarinig ng ganu’n,” kaswal na sabi ni Jean.
