Ni REGGEE BONOAN
AMINADO si Vice Ganda na kinabog siya ng byuti ni Coco Martin sa pagsasama ng kanilang characters sa FPJ’s Ang Probinsyano bilang sina Ella at Paloma.“Badtrip! Mas maganda si Paloma kay Ella!! Pakshet! #FPJAPPalomaIsBack”. Ito ang nakakatawang tweet ni Vice sa kanyang Twitter account noong Biyernes ng gabi nang lumabas na si Paloma sa aksiyon-serye.
Nakakatawa dahil totoo naman at aliw na aliw kami kasi simpleng tinarayan ni Paloma si Ella kaya naloka ang huli.
Nakakaaliw naman kasi ang eksenang puma-party ang grupo ni Ella kasama ang mga kaibigang sina Chokoleit, Pooh at Thou Reyes sa isang sosyal na bar para makapaghanap ulit ng mabibiktima dahil tablado sila kay Lee O’Brien na gumaganap namang asawa ni Candy Pangilinan at ama ni Bret Jackson.
May grupo ng kalalakihang inalok si Ella na tumeybol sa kanila na ginawa naman nito pero biglang dumating si Paloma at naglingunan at napatingin ang halos lahat ng lalaki sa bar bagay na hindi nakaligtas sa paningin ng blandinang extortionist.
Ngayong gabi itutuloy ang eksenang showdown nina Ella at Paloma sa pole dancing para malaman kung sino sa kanila ang mas magaling at mas maganda sa paningin ng lahat.
Matatandaang ang Paloma episode ni Coco ng Ang Probinsyano ang nakakuha ng pinakamataas na ratings nito noong tinutugis niya sina Richard Yap at para mahuli ang grupo ni Ella na masyadong madulas ay muli itong ibinalik ng primetime serye.
Samantala, Kapamilya na pala ang Viva talent na si Bret Jackson. Special guest siya sa Ang Probinsyano at bagay na bagay silang mag-ama ni Lee.
Sa madaling salita, nasa ABS-CBN na ang young stars talent ng Viva na dati’y nasa TV5 lahat. Hmm, sino kaya ang susunod kay Bret?
