Duguang humandusay sa semento ang umano’y drug pusher nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Malabon City, noong Sabado ng gabi.
Dead on the spot si Ricky Alabong, 36, ng Barangay Potrero ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tinamong tama ng bala ng cal. 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Base sa inisyal na imbestigasyon, dakong 11:00 ng gabi, naglalakad si Alabong sa kanto ng Bgy. Potrero nang biglang harangin at pagbabarilin ng dalawang gunman na lulan ng motorsiklo.
Bumaba pa umano ang isa sa mga suspek at malapitang pinaputukan si Alabong at mabilis na nagsikatas.
Ayon sa mga residente sa nasabing lugar, matagal nang kinukumbinsi ng mga pulis si Alabong na sumuko na at tumigil na sa pagtutulak ng droga, ngunit hindi ito nakinig. - Orly L. Barcala