BUTUAN CITY – Nasa 400 ang nawalan ng trabaho nitong Biyernes kasunod ng pansamantalang pagsasara o suspensiyon ng operasyon ng isang malaking kumpanya ng saging sa Surigao del Sur dahil sa banta sa seguridad nito.

Tuluy-tuloy naman ang ugnayan ng Department of Labor and Employment (DoLE), pamahalaang panglalawigan ng Surigao del Sur at mga lokal na pamahalaan ng Tagbina, Tago at Barobo upang matugunan ang problema sa daan-daang manggagawa na nawalan ng trabaho.

Lumiham nitong Biyernes ang DOLE Philippines, Incorporated (Stanfilco Division) sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan upang ipaalam ang tigil-operasyon ng kumpanya sa mga munisipalidad ng Tagbina, Tago at Barobo dahil sa problema sa seguridad.

Nag-o-operate ang kumpanya sa halos 1,000 ektarya ng sagingan sa nabanggit na mga munisipalidad simula 2013.

Ayon sa kumpanyang DOLE, 18 beses nang sinunog ang kanilang mga container van habang bumibiyahe patungong Davao City mula sa Tagbina, Tago at Barobo. Pang-export ang mga sariwang saging na lulan sa nasabing mga van.

Probinsya

Pahinanteng natutulog, patay matapos magulungan ng truck!

Sa unang bahagi pa lang ng taong ito, pitong insidente na ng panununog ang naitala at nasa mahigit P20 milyon na ang nalugi sa kanila, ayon sa kumpanya.

Nangyari ang kaparehong insidente noong nakaraang buwan nang silaban ng mga hindi nakilalang armado ang container van ng kumpanya na kargado ng sariwang saging habang bumibiyahe sa Maharlika Highway sa Bunawan, Agusan del Sur, patungong Davao.

Sinabi naman ng mga lokal na opisyal ng Tagbina, Tago at Barobo na pangunahing dahilan ng pagsasara ng kumpanyang DOLE ang paniningil ng revolutionary tax ng New People’s Army (NPA); sinusunog ang mga container van nito dahil tumatangging magbayad ng revolutionary tax ang kumpanya.

Umaasa naman si Surigao del Sur Gov. Vicente T. Pimentel, Jr. na magbabago pa ang desisyon ng DOLE sa pansamantalang tigil-operasyon nito dahil hindi lamang, aniya, 400 empleyado ang maaapektuhan kundi ang mahigit 5,000 umaasa ng ikabubuhay sa nasabing bilang ng mga manggagawa.

“I will call an emergency meeting tomorrow (Agosto 8) with the crisis management committee, along with the top military and police commanders, officials of DOLE Philippines and concern local officials in the affected three towns to tackle this problem,” ani Pimentel. - Mike U. Crismundo