Sa pitong judges na isinangkot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa droga, isa dito ay patay na at ang dalawa ay wala na sa serbisyo.
Ayon sa rekord ng Supreme Court (SC), si Judge Roberto Navidad ay binaril at napatay sa Calbayog City noong 2008; si Judge Lorinda Toledo Mupas ng Cavite ay dinismis ng SC noong 2007 dahil sa ignorance of the law, samantala si Judge Rene Gonzales ay nagretiro na sa Iloilo City metropolitan trial court.
Nagulat si mayor
Nagtungo naman agad sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si San Rafael, Bulacan Mayor Cipriano Dungao Violago Jr., at sinabing nagulat siya sa listahan, kung saan lumutang umano siya upang linisin ang kanyang pangalan. Sa katunayan, aktibo umano siya sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Isinailalim sa custodial investigation ng CIDG si Violago sa Camp Crame.
Handang magpaimbestiga
Handa naman umanong magpa-imbestiga si dating Mayor Jesus Boying Celeste na ngayo’y congressman na ng 1st district ng Pangasinan.
Sinabi niya kahapon na siya’y nalulungkot at nasama ang kanyang pangalan sa listahan ng narco politicians.
Dakong 1:20 ng hapon kahapon nang isuko sa Bolinao Police ni Mayor Arnold Celeste ang anim na lisensiyadong baril ng kongresista para sa safekeeping.
‘Di ako drug coddler
“I never involved in any use of illegal drugs, selling or protecting anyone from this illegal activity,” ayon naman kay Tubao, La Union Mayor Dante Garcia.
Malamang umano na isinangkot siya dahil sa bayan niya nakatira ang No. 3 person sa drug watch list ng awtoridad, na nakilalang si Salvador Marzan. Handa umanong paimbestiga si Garcia at malinis ang kanyang kunsensya.
Humirit ng imbestigasyon
Humiling naman ng mabilis na imbestigasyon si Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog dahil delikado umano ang kanyang reputasyon at seguridad matapos makasama ang kanyang pangalan sa listahan ng Pangulo.
“I can categorically say that I am not involved in the protection, trade and use of illegal drugs,” pahayag nito. - (Rey G. Panaligan, Fer Taboy, Liezle Basa Inigo, Tara Yap, Erwin Beleo)