PANTABANGAN, Nueva Ecija – Aksidenteng nadaiti ang dalawang magkalarong bata sa isang nakalawit na kawad ng kuryente na naging dahilan ng pagkamatay ng mga ito sa Sitio Calamansian sa Barangay West Poblacion sa bayang ito, nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ni Senior Insp. Roderick N. Corpuz, OIC ng Pantabangan Police, ang mga nasawi na sina Renz Valenzuela Barcelo, 3-anyos; at Raymart Dela Cruz Manalang, pitong taong gulang, kapwa residente ng nasabing lugar.
Ayon kay PO3 Marilou Limban, dakong 1:40 ng hapon nang mapansin ni Genalyn Valenzuela Barcelo na nawawala ang anak na si Renz na nakipaglaro kay Manalang hanggang sa matagpuan niya ang dalawa na nakahandusay matapos makuryente sa nakalawit na kawad ng Pantabangan Municipal Electric System (PAMES). - Light A. Nolasco