HUNYO 29 nang inihain ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang isang election protest sa Presidential Electoral Tribunal (PET) laban kay Vice President Leni Robredo, kinukuwestiyon ang pagkapanalo ng huli sa eleksiyon noong Mayo 9, 2016. Nitong Hulyo 12, inatasan ng PET – na binubuo ng lahat ng 15 mahistrado ng Supreme Court (SC) – si Robredo na sagutin ang nasabing protesta.
Ito ang ikalawang beses na kinuwestiyon ang pagkakahalal ng isang bise presidente. Ay una ay nang manalo sa halalan si Vice President Jejomar Binay noong 2010 sa petisyong inihain ni Mar Roxas, nang kinuwestiyon ng huli ang maraming insidente ng pagpapawalang-bisa sa boto — nasa 2.6 na milyon — bukod pa sa umano’y pagkakamali sa pagbasa sa mga boto sa maraming voting precinct. Si Binay ang idineklarang nanalo sa nasabing eleksiyon matapos lumamang ng 727,084 na boto — 14,645,574 ang bumoto kay Binay laban sa 13,918,490 na nakuha ni Roxas.
Hiniling ni Roxas ang forensic examination sa software na ginamit sa eleksiyon noong 2010. Ngunit nabigo siyang maghain ng bond o magdeposito ng pera upang sagutin ang pagbabayad sa lahat ng gastusin kaugnay ng kaso. Dahil dito, hindi na umusad ang kaso sa pre-trial stage at nang ihain ni Roxas ang kanyang certificate of candidacy para kumandidato sa pagkapangulo sa eleksiyon ngayong taon, malinaw na iniurong na niya ang kanyang election protest laban kay Binay.
Maaalala ang lahat ng ito sa election protest na inihain ni Marcos laban kay Robredo, na idineklarang nanalo sa paghahalal ng bise presidente ngayong taon at nakakuha ng 14,418,817 boto, lamang lang ng 263,473 sa kasunod niyang si Marcos, na may 14,155,344 na boto.
Kinuwestiyon ni Marcos ang resulta ng botohan sa 39,221 clustered precinct sa 25 lalawigan at limang siyudad. Nag-akusa siya ng “massive electoral frauds, anomalies, and irregularities, such as terrorism, violence, force, threats, intimidation, pre-shading of ballots, vote-buying, substitution of votes, flying voters, pre-loaded SD cards, misreading of ballots; unexplained, irregular, and improper rejection of ballots, malfunctioning of VCMs, and abnormally high unaccounted votes/undervotes for the position of vice president….”
Hiniling niya sa PET na obligahin ang Commission on Elections, ang mga city at municipal treasurer, ang Bangko Sentral ng Pilipinas, at ang Smartmatic, na panatilihin ang integridad at kaligtasan ng lahat ng ballot box at ang nilalaman ng mga ito, gayundin ang listahan ng mga botante. Iginiit din niya na saklawin ng nasabing direktiba ang lahat ng katuwan ng Comelec sa pagdaraos ng eleksiyon, kabilang ang mga telecom company at mga data center.
Malinaw na handang-handa si dating Senador Marcos sa kanyang ipinaglalaban dahil sa dami ng iniingatan niyang affidavit at iba pang mga dokumento na susuporta sa kanyang kaso. Posibleng handa rin siyang ipagkaloob ang hinihinging bond o cash deposit—na hindi naibigay ni Roxas sa kanyang protesta laban kay Binay noong 2010. Hahamunin ng election protest ni Marcos ang kakayahan ng PET – na, hindi natin dapat kalimutan, ay ang Korte Suprema na dumidinig din sa sangkatutak na mahahalaga at maseselang kaso na napakahalaga sa bayan.