RIO DE JANEIRO (AP) – Kulang man sa karangyaan, hindi naman kapos sa kasiyahan ang Rio.
Pinawi ng Rio Games organizer ang mga pangamba dulot ng kaguluhan, banta sa kalusugan at kakulangan sa budget, sa makulay at masayang pagdiriwang para sa pormal na pagsisimula ng XXX1 Olympiad sa South America.
Bukod sa pagkakaisa sa pamamagitan ng sports, malinaw ang mensahe na ipinadama ng Brazil – ang masamang dulot ng global warming.
“The heat is melting the icecap,” mensahe na umalingawgaw sa Maracana Stadium. “It’s disappearing very quickly.”
Patungkol ang mensahe sa nararanasang pagkasira ng kalikasan sa kasalukuyan hindi lamang sa Brazil bagkus sa buong mundo dahil sa global warming at hinikayat ang buong mundo na magkaisa para ito labanan.
Bukod dito, umani ng palakpakan ang pagrampa ni Supermodel Gisele Bundchen sa saliw ng tugtuging “The Girl from Ipanema.”, habang nabuo ang salitang Rio sa kalagitan sa pamamagitan ng fireworks display.
Tunay na naghihirap ang kaban ng Brazil, ngunit hindi ito dahilan para mapigil ang pagdiriwang para sa tagumpay ng tinaguriang Greatest Show sa mundo.
Tulad ng inaasahan, awitan, tugtugan at sayawan para sa Brazil.
Sa isang video presentation, ipinahayag ni U.N. Secretary-General Ban Ki-moon ang pagkakaisa ng mundo at hinikayat ang lahat na ipagdiwang ang tagumpay ng Olympics sa sangkatauhan.
“Celebrate the best of humanity,” pahayag ng South Korean official.
Napawi rin ang pangamba ng marami na hindi kakayahin ng Rio ang Olympic hosting kumpara sa mga karibal nitong Chicago, Tokyo at Madrid, subalit ang kaganapan ay muling nagpatunay sa katatagan ng pagkakaisa at pagtutulungan na siyang isinusulong ng International Olympic Committee (IOC).
“Our admiration is even greater because you managed this at a very difficult time in Brazilian history. We have always believed in you,” mensahe ni IOC President Thomas Bach.
Pormal na idineklara ang pagsisimula ng Olympics ni Brazilian interim president Michel Temer. Pinalitan ni Temer ang nasuspindeng pangulo na si Dilma Rousseff, isinasangkot sa malawakang korapsiyon sa bansa kabilang na ang budget sa Olympic preparation.
Sinindihan naman ng cauldron ni Brazilian marathoner Vanderlei Cordeiro de Lima. Kabilang sa mga promineteng Brazilian athlete na nagdala ng torch para sa cauldron ay si tennis star Gustavo Kuertan, kilala sa bansag na Guga.