TAMPOK sa Kapuso Mo, Jessica Soho ngayong gabi ang mascot na si PO1 Bato, ang “dancing preggy videos”, at iba pang viral topics.
Kahit pintog na pintog na ang kanilang tiyan, ang ilang misis, matindi pa ring humataw. Kamakailan, in-upload ni Drew Arellano ang loop video ng misis niyang si Iya Villania habang sumasayaw kahit halos kabuwanan na. Ang ilan sa mga nakapanood ng “dancing preggy” videos, halos atakihin sa kaba na sa sobrang indayog ay baka mapaanak ang mga misis nang wala sa oras. Pero alam n’yo ba na may dance classes talaga bilang paghahanda sa panganganak ng mga buntis?
Trending din ngayong linggo si PO1 Bato — ang mascot ng Philippine National Police (PNP). Isa sa mga naisip na paraan ng PNP para sa kampanya nila kontra-droga ang paggamit ng nasabing mascot. Ito ang naatasang lumibot sa mga eskuwelahan para magbigay-leksiyon sa delikadong epekto ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Kilalanin din ang magbayaw na Dexter at Francis na may matagumpay na ngayong mascot business. Pero alam n’yo ba na ang ibang mga tao, may masklophobia o pagkatakot sa mga mascot at sa mga nakamaskara?
Samantala, may mapaghimalang tubig na bumubukal daw sa tabi ng kapilya sa Brgy. Basak Pardo, Cebu. Nanay na na-stroke, bigla raw nakapaglakad at nakapagsalita. Dahil sa ganitong mga patototoo, dinadagsa ngayon ang naturang barangay. Dala ng mga deboto ang kanilang mga bote at pitsel sa pag-asang makasalok ng diumano’y milagrosong tubig. Pero ano ba talagang meron sa tubig na ito?
Ang dating malambing at masayahing si James, ‘di nakagagalaw ngayon. Nakaririnig pero hindi makapagsalita. Ang kanyang maybahay na si Jo-ann, nanghihina man sa kalagayan ng asawa, patuloy pa ring nagpapakatatag para sa mister at apat na taong gulang nilang anak na si Julia. Matiyagang naghihintay at nagdadasal ang mag-ina na bukas makalawa, muling magbabalik ang dating sigla ng pinakamamahal nilang asawa at ama. Ano kaya ang nangyari kay James?
Mapapanood ang mga ito sa Kapuso Mo, Jessica Soho ngayong Linggo, pagkatapos ng Ismol Family, sa GMA.