RIO DE JANEIRO – Kasama ng 12-man Philippine delegation ang ilang prominenteng atleta sa “parade of the athletes’ sa Maracana Stadium, sa pangunguna ng Greece sa pagbubukas ng XXX1 Olympiad nitong Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila).

Pinangunahan ni Ian Lariba, kauna-unahang Pinoy na sasabak sa table tennis event, ang delegasyon bilang flag-bearer, ngunit dahil sa alalahaning maapektuhan ang kanyang pulso, pinalitan siya ni taekwondo jin Kristine Alora sa pagbubuhat ng bandila ng bansa sa pagpasok sa stadium.

“Lariba will have her first match the following day. As much as possible, we want to preserve her arm. We don’t want her arm to be weary because of carrying the flag,” pahayag ni Joey Romasanta, Ph delegation chief of mission.

Nakatakdang simulan ni Lariba ang kampanya Sabado ng umaga kontra Han Xing ng Congo.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“After the entry of the stadium and immediately after (we pass by) the VIP stands, ibinigay na ni Ian ‘yung flag kay Alora para makapagpahinga si Lariba,” aniya.

Suot ang ipinagmamalaking barong, taas-noo na pumarada ang delegasyon ng Pilipinas at masayang iwinawagayway ang tangan na maliliit na bandila habang nililibot ang makasaysayang Maracana Stadium.

Kabilang din sa pumarada ang malalaking pangalan sa sports tulad ng all-NBA US men’s basketball team, gayundin ang all-WNBA women’s squad.

Sentro rin ng atensiyon sina former world No. 1 Caroline Wozniacki ng Denmark at Rafael Nadal ng Spain.

Hindi naman pumarada si “Sprint King” Usain Bolt ng Jamaica.