MGA Kapanalig, noong kandidato pa lamang si Pangulong Duterte, naipahayag na niya ang kanyang pagnanais na baguhin ang uri at anyo ng ating pamahalaan tungo sa pederalismo. Sa isang pederal na sistema ng pamamahala, ang ating bansa ay mahahati sa ilang itatalagang mga estado at ang bawat isa ay gaganap ng higit na responsibilidad at kapangyarihan na sa kasalukuyang sistema ay ginagampanan ng pambansang pamahalaan.
Kabilang sa mga bansang ganito ang sistema ay ang Estados Unidos, Malaysia, Germany, Australia, India, Canada, Brazil, at Mexico.
Sakaling maisakatuparan, ito ay magiging isang napakalaki at napakahalagang pagbabago sa ating sistema ng pamamahala. Asahan din ang malawakang epekto ng pederalismo sa ating ekonomiya, pulitika at pangkalahatang buhay nating mga Pilipino. Ayon sa ilang mga panukala, maaari umanong simpleng hatiin na lamang ang Pilipinas sa tatlong estado: Luzon, Visayas, at Mindanao. Para naman sa iba, ang Mindanao ay maaari raw hatiin sa tatlong estado: kanluran at silangang Mindanao, at ikatlo ang sa Bangsamoro; ang Visayas sa dalawa; at ang Luzon sa limang estado. Samakatuwid, may iba’t ibang paraan ng pagtatalaga ng mga estado at kung paano hahatiin ang bansa sa mga estado. Masalimuot ngunit napakahalaga ng usaping ito, at mangangailangan nga ito pagbabago ng ating Saligang Batas. Sa ilalim ng kasalukuyang Saligang Batas, ang anumang pagbabago sa ating Konstitusyon ay maaaring idaan sa tatlong paraan: una ay ang Constitutional Convention (Con-Con), ang ikalawa ay ang Constitutional Assembly (Con-Ass), at ang ikatlo ay ang tinatawag na People’s Initiative. Sa Con-Con, ang bawat isa sa 18 rehiyon sa bansa ay magtatalaga ng mga kinatawan. Sa Con-Ass naman, magsasama ang mga kasalukuyang kongresista at senador bilang iisang asembliya. Noong simula ng panunungkulan ni Presidente Duterte ay nagpahayag siya ng pagkiling sa isang Con-Con bilang paraan para baguhin ang ating Saligang Batas.
Subalit napabalita kamakailan na tila nakumbinsi si Presidente Duterte ng mga namumuno sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso na sa halip na Constitutional Convention ay Constituent Assembly na lamang ang magsagawa ng pagbabago ng Saligang Batas. Ang dahilan ay gagastos daw ang pamahalaan ng kulang-kulang P7 bilyon kung magpapatawag pa ng isang Constitutional Convention.
Gaano kahalaga sa atin ang pagbabago ng ating Saligang Batas? Panghihinayangan ba natin ang nasabing halaga para sa isang bagay na magtatakda ng magiging palakad at uri ng buhay natin, hindi lamang sa kasalukuyan kundi sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino?
Pakaisipin natin hindi kaya mas mabuting mga taong tunay na kumakatawan sa interes ng mga ordinaryong Pilipino ang dapat humubog ng mga pagbabago sa Saligang Batas? Hindi kaya mas mainam iyon kaysa ipagkatiwala lamang ang desisyon sa mga pulitikong ang marami ay nahalal dahil sila ay may perang panggastos sa kampanya?
Sumainyo ang katotohanan.