Ni REGGEE BONOAN

judy-ann-santosANG mga recipe palang ginamit ni Judy Ann Santos sa 2016 Cinemalaya entry na Kusina ay kasama sa menu ng Sarsa Kitchen & Bar sa SM Megamall na pag-aari ni Chef Jayps Anglo (isa sa judges ng Junior Master Chef). Kaya pala sa Sarsa naghanda ng late lunch pagkatapos ng advance screening ng nasabing pelikula sa Director’s Cut sa 5th floor ng Megamall Fashion Hall.

Akala namin noong una, walang kaugnayan ang pelikula sa resto, kaya nagtaka pa kami kung bakit ang kinakain ng entertainment press ay ang mga ulam na niluto ni Juday sa Kusina, tulad ng adobong manok at baboy, ginataang monggo, laing, at sinigang na baka.

Magkakaibigan sina Judy Ann, Chef Jayps at ang isa sa producers ng Kusina na si Noel Ferrer kaya naisip nilang lutuin sa tunay na buhay ang lahat ng ulam na niluto ng aktres sa pelikula, bilang bahagi ng promotion.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Swak na swak naman, dahil habang nanonood ng Kusina ay takam na takam ang lahat sa mga ulam at nagsasabihan na gusto ring matikman na natupad naman.

Hindi kasama sa mga iniluto ni Juday ang appetizer na isaw flakes na sobrang lutong kaya’t panay ang tanungan ang mga katoto kung paano ito ginawa.

Tinanong namin si Noel kung ex-deal ang Sarsa Kitchen & Bar sa Kusina, pero hindi raw.

“Hindi ko kasi alam ang usapan nina Juday at Chef Jayps, kapatid, ask mo na lang si Juday. Pero since kasama sa menu ang recipes ni Juday, puwedeng oo, ask mo na lang,” sey ni Noel.

Pihadong nami-miss ni Juday ang pagkakaroon ng restaurant business. Nakakailang resto na rin siya na isinasara rin dahil hindi niya natututukan, bukod pa sa tumataas na upa ng mga puwesto at hindi na rin niya magawa ulit ngayon dahil hands-on mom siya sa mga anak nila ni Ryan Agoncillo.

Anyway, gusto sigurong i-share ng aktres ang recipe niya kaya ibinigay niya kay Chef Jayps ang mga ito.