Isang pamayanan sa gitna ng kagubatan ng Thailand ang gumagamit at nagsusulong ng isang hindi pangkaraniwang pinagkukunan ng alternatibong enerhiya: ang dumi ng baka.
Matapos matagumpay na mapailawan ang kanilang mga tahanan gamit ang mga solar panel at mga kalan na ginagatungan ng dumi ng baka, ikinakampanya naman ngayon ng mga residente sa Pa Deng ang clean energy sa bansa na labis na nakaasa sa fossil fuels.
Nagsimula ang lahat sa isang kaibigan ni Wisut Janprapai, 44, na taga-Myanmar na nagsabing maaaring gamitin ang mga dumi ng hayop bilang panggatong sa cooking stove.
“At first we didn’t believe it,” aniya sa AFP mula sa labas ng kanyang bahay na gawa sa kahoy sa kabundukan malapit sa kanlurang hangganan ng Thailand sa Myanmar.
Ngunit dahil hindi nakakarating sa kanilang pamayanan ang mga linya ng kuryente ng estado at nagkalat ang mga dumi ng baka sa paligid, naisip ni Wisut at ng kanyang mga kapitbahay na subukan ang payo ng kanyang kaibigan.
Ngayon halos 100 pamilya sa kanilang nayon ang mayroong maliit na kalan na pinagagana ng mga asul na lobo ng bio-gas na nalikha nila matapos ang maraming taon ng pag-eeksperimento.
Ang mga lobo ay malalaking sako ng polyester na napupuno ng methane gas matapos himayin ng mga mikrobyo ang dumi ng hayop at iba pang organic waste.
“It’s nothing complicated, just put the food and waste in,” paliwanag ni Kosol Saengthong, ang lider ng pamayanan. “And then the gas will come”. - Agence France-Presse