NANG matiyempuhan ko kamakailan ang press conference ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang, nalubos ang aking paniniwala na wala siyang intensiyong ganap na umiwas sa media.

Halos hindi ako makapaniwala na tila siya mismo ang namuno sa naturang pulong-balitaan at pakikipanayam sa media, lalo na sa mga miyembro ng Malacañang Press Corps (MPC). Ibig sabihin, siya ang kaagad sumasagot sa tanong ng mga reporters.

Ang napuna kong pagbabago ng klima, wika nga, sa pagitan ng Pangulo at ng mga mamamahayag ay isang malusog na palatandaan ng pagpapahalaga sa press freedom. Isa itong sitwasyon na marapat na maging bahagi ng makabuluhang pamamahala, lalo na ngayong umiiral na ang Freedom of Information (FOI) na pinagtibay ng Pangulo sa pamamagitan ng kanyang Executive Order.

Magugunita na sa kabila ng implementasyon ng FOI, minsang ipinahiwatig ng Pangulo ang kanyang pag-iwas sa anumang pakikipanayam ng tinaguriang mga miyembro ng Fourth Estate. At minsan ding sumiklab ang sinasabing pagbo-boycott ng naturang magkabilang grupo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Mabuti na lamang at hindi lumawig ang gayong hindi kanais-nais na sitwasyon.

Magugunita na minsan ding pinanindigan ni Presidential Communications Operations Secretary Martin Andanar na karapatang-sarili ng Pangulo kung nais niyang iwasan ang anumang media interview.

Idinugtong niya na anumang tanong ay maaari namang sagutin ng mga miyembro ng Gabinete ng Pangulo bilang kanyang mga alter ego. Totoo, pero ang lahat ng binibigkas ng Pangulo ang pinagbabatayan ng mga iniuulat ng media; ang Pangulo ang pinanggagalingan ng makabuluhang mga balita na dapat malaman ng mga mamamayan.

Bigla kong naalala ang naiibang istilo ng pakikitungo ni dating Presidente Fidel Ramos sa mga mamamahayag.

Tuwing Miyerkules, isang regular press conference ang pinangungunahan niya sa Malacañang; dinadaluhan ito hindi lamang ng local media kundi maging ng mga dayuhang reporters.

At siya mismo, hindi mga spokesperson, ang sumasagot sa mga tanong. Paniwalaan-dili, subalit ang kanyang Office of the Press Secretary (OPS) team na binubuo ng dalawang undersecretary, ay malimit na nagiging moderator na lamang.

Ang gayong sitwasyon, gayunman, ay naging kapuri-puri, katanggap-tanggap at laging pinananabikan ng ating mga kapatid sa media.

Tularan sana ito at panatilihin ni Pangulong Duterte. (Celo Lagmay)