LABIS marahil ang naging pag-asam na agarang tatalima ang New People’s Army (NPA), kasama ang Communist Party of the Philippines (CPP) at National Democratic Front (NDF), sa mga pagsisikap na pangkapayapaan ni Pangulong Duterte sa pagdedeklara ng huli ng unilateral ceasefire.
Inihayag ng Pangulo ang tigil-putukan sa kanyang State of the Nation Address nitong Hulyo 25, Lunes. Dakong 6:45 ng umaga ng Miyerkules, isang grupo ng mga militiaman—mga miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na kumikilos sa ilalim ng 60th Infantry Battalion ng Sandatahang Lakas—ang tinambangan sa isang sitio sa Barangay Gupitan sa Kapalong, Davao del Norte. Isang kasapi ng CAFGU ang nasawi at apat na iba pa ang nasugatan.
Natural lamang na nagalit ang Presidente sa hindi pagtalima sa idineklara niyang tigil-putukan. Nagbigay siya ng 24-oras na ultimatum sa NPA upang tugunan ang kanyang deklarasyon at nang matapos ang 24 na oras na palugit, binawi niya ang unilateral ceasefire. Ayon sa pahayag na inilabas ng CPP, sinabi nitong plano ng partido na magpalabas ng pahayag tungkol sa sarili nitong tigil-putukan bilang tugon sa ipinaiiral ng gobyerno. Ang panahon sa pagpapairal ay maaaring matukoy sa pamamagitan ng mga negosasyon, ayon dito, idinagdag na inaasahan nitong tutupad ang gobyerno sa ipinangakong palalayain ang lahat ng tagapayo ng NDF at lahat ng political prisoner na napiit sa ilalim ng mga rehimeng Arroyo at Aquino. Sinabi ng CPP na umaasa itong maisasagawa ang magkasabay na deklarasyon sa Agosto 20.
Malinaw na hindi nagkakatagpo ang pag-iisip ng dalawang panig. Iniiisip ni Pangulong Duterte na tutugon ang NPA, CPP, at NDF sa kanyang matapang at hindi inaasahang deklarasyon, gaya ng pagtugon ng maraming mamamayan sa bansa sa kanyang ipinanawagang digmaan laban sa ilegal na droga. Ngunit ilang dekada nang nakikipaglaban sa gobyerno ang rebeldeng grupo at mistulang hindi ito basta na lamang hihinto nang walang matibay at kongkretong kasunduan.
Mahahalata ring hindi sentralisado ang pamunuan nito. Sinasabing ilang lokal na opisyal ng NPA ang kumikilos nang hindi ikinokonsidera ang mga opisyal nito sa Utrecht sa The Netherlands, na roon ilang taon nang naka-exile si CPP Chairman Jose Ma. Sison. Ang kasalukuyang CPP chairman na si Benito Tiamzon at ang asawa nitong secretary general na si Wilma Tiamzon ay ipiniit ng gobyerno simula nang madakip sa Cebu noong Marso 2014, at hindi rin sila nababanggit sa posibilidad ng anumang negosasyon sa administrasyong Duterte.
Inabot ng ilang taon bago nagkaroon ng kasunduan ang administrasyong Aquino sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa pagtatatag ng isang Bangsamoro Autonomous Region. Maging ang kasunduang ito ay hindi napagtibay dahil hindi nakapasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa huling Kongreso at kinailangan pang muling ihain sa bago at kasisimulang Kongreso.
Magiging posible ngayon ang kasunduang pangkapayapaan sa NPA-CPP-NDF sa kahandaan ni Pangulong Duterte na makipag-usap sa grupo at nag-alok pa nga sa mga ito ng mga posisyon sa kanyang Gabinete. Ngunit kakailanganin pa ng mas mahabang panahon, at mas mahabang pasensiya, at karagdagang pagtalakay sa mga usaping mahalaga sa grupong rebelde.
Kailangan nating maging handa sa mga mangyayari sa Agosto 20, ang petsang sinabi ng grupo ay magpapalabas ito ng sariling deklarasyon ng tigil-putukan matapos makipag-usap sa gobyerno.