ANG larawan ng La Virgen de la Soledad de Porta Vaga o ang Mahal na Birhen ng Soledad ay ang patroness ng Cavite.
Kilala rin sa tawag na “Reina de Cavite” at Luz de filipinas” o Reyna ng Cavite at Ilaw ng Pilipinas. Ang larawan ng La Virgen de la Soledad de Porta Vaga ang pinakamatandang larawan ng Mahal na Birhen sa Pilipinas.
Sa mahigit tatlong siglo, ang larawan ng Mahal na Birhen ng Soledad ay may bahagi sa puso ng bawat Caviteño.
Itinuring na isang napakahalagang kayamanang ipinamana ng kanilang mga “antepasos” o ninuno. Ang dambana ng Mahal na Birhen ng Soledad ay nasa simbahan ng parokya ni San Roque, isa sa tatlong parokya sa Lungsod ng Cavite.
Ayon sa kasaysayan, bago nakuha sa baybayin ng Cavite ang lawaran ng Mahal na Birhen ng Soledad, noong gabi ng 1667 na malakas ang unos, ay nagpakita ang Mahal na Birhen sa isang sundalong Kastila na bantay sa pintuan ng Porta Vaga.
Inakala ng sundalo na kaaway na Muslim. Nagpakilala ang Mahal na Birhen. Humingi ng paumanhin ang sundalo.
Kinaumagahan, natagpuan ang isang naka-kuwadrong larawan ng Mahal na Birhen ng Soledad sa dalampasigan ng Canacao, Cavite City sa mismong lugar na nagpakita umano ang Mahal na Birhen.
Nakita sa likod ng kuwadro ang sulat ni Juan Oliba na may petsang Abril 12, 1692. May paniwala na ang nasabing petsang nakasulat ay ang araw nang iluklok sa dambana ng Ermita Porta Vaga ang Mahal na Birhen noong ika-17 siglo.
Ang himala ng Mahal na Birhen ng Soledad ay naranasan ng mga negosyante ng Manila galleon Trade. Ligtas silang nakababalik mula sa paglalayag ng mga galleon at kalakal sa Cavite hanggang Mexico. Dahil dito, ang Mahal na Birhen ng Soledad ay tinawag na Patrona ng mga Galleon.
Mula noon, maraming himalang ipinamalas ang larawan ng Mahal na Birhen ng Soledad sa buong lalawigan ng Cavite.
Hindi mabilang na mga biyayang natanggap. Hanggang ngayon ay nararamdaman ng mga deboto at libu-libong namamanata sa dambana ng Mahal na Birhen sa Cavite.
Noong 1892, si Maestro Julian Felipe, composer ng ating Pambansang Awit, ay kinatha ang himig ng “Reina de Cavite”.
Ang mga titik ay mula sa tulang Himno ala Virgen de Cavite na sinulat ni Padre Tomas de Andrade, ang rektor ng kolehiyo ng mga heswita sa Cavite noong 1689. Ganito ang lyrics: “Reyna ng Cavite, laging tawag ng lahat Kapayapaan at galak, Ngalan mo’y siyang pugad. Reyna ng Cavite, Laging tawag ng lahat, Kapayapaan at galak, Sa iyo’y nagbubuhat. Inang kalinis-linisan, Mahal ng Serafin, Ilaw ka ng Filipinas. Tunay kang tanglaw namin, Ilaw ka ng Filipinas, Ika’y tanglaw nami’n.”