Laban na ang 13-man PH Team sa Rio; 271 Russian athlete pinayagan ng IOC.
RIO DE JANEIRO (AP) — Nanindigan ang International Olympic Committee (IOC) sa “fairness and justice” para aprubahan ang paglahok sa Rio Olympics ng 271 Russian athletes nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).
Inihayag ng Olympic body ang desisyon may 24 na oras bago ang opening ceremony ng Quadrennial Games na gaganapin sa kauna-unahang pagkakataon sa Central America.
May kabuuan namang 123 atleta ng Russia, kabilang ang 67 sa athletics ang binawalang sumabak sa Rio bunsod ng diretsang pagkakasangkot sa doping at naunang “total ban” na inilabas ng International Amateur Athletics Federation (IAAF).
Ibinasura rin ng IOC ang panuntunan na nagbabawal sa Russian athletes na may dating kinasangkutang isyu ng doping, sapat para mabuhayan pa ng pag-asa ang ilang atleta ng Russia na makalahok sa Olympics.
Nauna nang ibinasura ng IOC ang rekomendasyon ng World Anti-Doping Agency (WADA) matapos ang resulta ng imbestigasyon sa detalyadong cover-up ng state-run doping laboratory para sa total ban ng buong Russian delegation.
Ibinigay ng IOC ang karapatan na magdesisyon hinggil sa kani-kanilang atleta ang lahat ng International Federation.
“271 athletes will form the team entered by the Russian National Olympic Committee from the original entry list of 389 athletes,” pahayag ng IOC sa opisyal na pahayag na ipinamahagi sa media.
Kinumpirma ni Russian Olympic Committee president Alexander Zhukov ang paglahok ng 271 Russian athlete sa Rio.
“We have good news for the fans of the Russian Olympic team,” aniya.
“The majority of the sports have been admitted in full. As of today. I think there is no other team that is so clean and so carefully controlled than the Russian one.”
Samantala, magkahalong saya at pananabik ang nadarama ng Team Philippines sa inaasahang mala-fiesta na opening ceremony ng Rio Olympics ngayon.
Tinaguriang “Lucky 13”, target ng atletang Pinoy na pawiin ang mahabang panahong pagkauhaw ng bansa sa gintong medalya sa tinaguriang “Greatest Show” sa mundo.
Huling nagwagi ng silver medal ang bansa noong 1996 Atlanta Games nang matalo si Mansueto ‘Onyok’ Velasco sa boxing finals.
Dumaan sa matandang kawikaan na “butas ng karayom” ang Pinoy athletes para makarating sa Rio.
“The crop of 13 athletes we have they are well prepared and there’s nothing more we can ask of these people. They are here because they are the best in the Philippines,” pahayag ni Filipino chef-de-mission Jose Romasanta.
Sentro ng pagdiriwang ang Maracana Stadium, itinayo noong 1950 para gamitin sa World Cup.
“Everything else is the least of the concern for our athletes. Their concern is being able to further improve and enhance their competitiveness until game time.’
“They are not really concerned about or distracted by other things except focus on what they need to do. That’s what they are eagerly anticipating,” sambit ni Romasanta, vice president din ng Philippine Olympic Committee.
Binubuo ang PH delegation nina Marestella Torres-Sunang (long jump), Hidilyn Diaz at Nestor Colonia (weighlifting), Rogen Ladon at Charly Suarez (boxing), Jasmine Alkhaldi at Jessie Khing Lacuna (swimming), Eric Cray (hurdles), Mary Joy Tabal (marathon), Kirstie Elaine Alora (taekwondo), Kodo Nakano (judo), Miguel Tabuena (golf)at flag-bearer Ian Lariba (table tennis).
Nakatakda ang parade of the athlete ganap na 7:00 Biyernes ng gabi (Sabado sa Manila).