Pinalalahanan ng Philippine Embassy sa Tokyo ang mga Pilipino na nais magliwaliw o magtrabaho sa Japan na umiwas na mabiktima ng human traffickers.

Sa inilabas na kalatas ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules kaugnay sa pag-obserba ng World Day Against Traffickings noong Hulyo 30, inabisuhan ng Embahada ang mga Pinoy na huwag makipagtransaksiyon sa mga indibiduwal, ahensiya, foundation, kumpanya o organisasyon na nangangako ng trabaho sa Japan gamit ang tourist visa (Temporary Visitor Visa) o naghihikayat ng pekeng kasal o puwersahang pag-aasawa sa isang Japanese (para sa Spouse of Japanese National Visa) na humahantong sa pang-aabuso.

Nilinaw ng Embahada na bawal magtrabaho ang turista sa Japan at maituturing itong criminal offense na hahantong sa pagkakulong at deportasyon.

Kasong illegal entry naman ang kakaharapin ng mga pumasok sa pekeng kasal at nagtungo sa Japan gamit ang Spouse of Japanese National visa.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Hinihikayat ang mga Pilipinong nais magtrabaho sa Japan na kumonsulta muna sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at kumuha ng kaukulang working visa sa Japanese Embassy sa Manila.

Sakaling mabiktima ng human trafficking sa Japan, maaaring tumawag sa Philippine Embassy sa Tokyo (+8180-4928-7979) o Philippine Consulate-General sa Osaka-Kobe (+8190-4036-7984). (Bella Gamotea)