Tila nakakita ng kakampi sa katauhan ni Philippine Sports Commission (PSC), chairman William “Butch” Ramirez ang mga National Sports Association (NSA) na ilegal na inalis ng Philippine Olympic Committee (POC), gayundin ang mga atleta na sinibak sa Philippine Team dahil sa ”pulitika”.

Idinulog ng ilang opisyal at atleta ang kanilang mga hinaing at suliranin dulot ng pamumulitika ng POC kay Ramirez, ang nagbabalik na chairman ng sports agency ng pamahalaan.

“Maraming hinaing ang ating mga atleta. ‘Yung iba namang opisyal, ipinapaalam sa amin ang kanilang sitwasyon. Wala kaming intensiyon na makialam kung ano ang problema nila sa POC, pero as government sports official, binigyan kami ng mandato ni Pangulong Duterte na tingnan ang kalagayan ng ating mga atleta,” sambit ni Ramirez.

Bagamat lampas na sa takdang oras para magtrabaho, napilitan ang bagong pamunuan ng PSC para harapin ang grupo ng Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) at ang Basketball Association of the Philippines (BAP).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Una nang nakipag-usap kay Ramirez si dating RP women’s single No.1 Marian Jade Capadocia na matatandaang inalis sa line-up ng Philippine Lawn Tennis Association (PHILTA).

Nakatakda ring makipag-usap sa pamunuan ng PSC si SEA Games individual pursuit champion Alfie Catalan upang ireklamo ang kanyang sorpresang pagkakapatalsik sa pambansang koponan kahit na walang opisyal na pahayag ang Integrated Cycling Federation of the Philippines o PhilCycling.

“We want to converse with these athletes first and then with their officials. We want to know both sides and decide based on what is the mandate under RA 6847 or the law creating PSC. Hindi naman kami under sa POC kundi kay Pangulong Duterte at sa sambayanang Pilipino,” sabi ni Ramirez.

Ilan pa sa nakatakdang maghain ng reklamo laban sa POC ang asosasyon ng wrestling, volleyball, dragon boat, table tennis at billiards. Ang billiards ay isinailalim sa hurisdiksiyon ng POC dahil sa kawalan ng eleksiyon pati na rin ang bowling, habang ang Philippine Volleyball Federation (PVF) ay pinalitan ng POC ng Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc.

Nakatakdang magsagawa ng halalan sa POC sa Nobyembre. (Angie Oredo)