PAGKATAPOS desisyunan ng gobyerno kung ano ang imumungkahi nitong paraan upang amyendahan ang Konstitusyon—sa pamamagitan ba ng Constitutional Convention (Con-Con) o sa Constitutional Assembly (Con-Ass)—dapat na ituon naman nito ang atensiyon sa kung aling mga probisyon ang dapat na baguhin sa umiiral na Konstitusyon.

Ang pagpili sa pagitan ng Con-Con at Con-Ass ay isang usapin ng proseso. Tatlong paraan lamang ang pagpipilian, ayon sa Konstitusyon—sa pamamagitan ng Kombensiyon ng mga halal na kinatawan, sa Asembliya ng mga halal nang senador at kongresista, o sa People’s Initiative.

Mayroong namumuong hindi pagkakasundo sa Con-Con at Con-Ass. Sa bawat probinsiya o bawat distrito ba ang paghahalal sa mga delegado ng Con-Con? Ilan sa bawat isa? Ngayon pa lamang, nagdeklara na si Senator Franklin Drilon na tanging ang Kongreso—hindi ang Pangulo—ang magpapasya sa usapin. Sinabi naman ng isa pang mambabatas—si Rep. Edcel Lagman ng Albay—na hihilingin niya sa Korte Suprema na pagpasyahan kung ang Kongreso, sakaling magkakaroon ng Con-Ass, ang mag-aapruba sa mga panukalang amyendahan, sa pamamagitan ng hiwalay na pagboto ng Senado at Kamara o bilang joint body.

Ang daan patungo sa Charter change ay malinaw na maraming lubak at harang. Hindi magiging madali at mabilis ang Con-Ass gaya ng unang pinaniwalaan ng mga nakapipisil dito kaysa kombensiyon.

Iminungkahi ni Speaker Pantaleon Alvarez ang pagbuo ni Pangulong Duterte ng isang 20-miyembrong komisyon na magpapanukala ng mga aamyendahan sa Konstitusyon. Sa unang tingin, mistulang wala ito sa tono, dahil ang isang komisyon ay hindi kabilang sa tatlong paraang pinahihintulutan ng batas. Gayunman, binigyang-diin ni Speaker Alvarez na ang ipinanukala niyang komisyon ay isa lamang preliminary o advisory group na gagawa ng balangkas na ipiprisinta sa Con-Ass.

Dahil dito, isa itong mahalagang bahagi ng proseso dahil ang Kongreso, sa mga kasalukuyang kasapi nito, ay posibleng hindi handa sa tungkuling amyendahan ang Konstitusyon. Ang mga miyembro nito—mga senador at mga kongresista—ay pawang kumandidato dahil inaasahang magpapanukala at magpapatibay sila ng iba’t ibang panukala, titiyakin ang kapakanan ng kani-kanilang nasasakupan, at sa kabuuan ay gaganap sa mahalagang tungkulin bilang isa sa tatlong pangunahing sangay ng gobyerno, katuwang ang ehekutibo at hudikatura. Wala sa kanilang hinagap na magpapanukala sila upang amyendahan ang Konstitusyon.

Ang sangay na iminungkahi ni Speaker Alvarez ay maaaring magkaloob ng ekspertong serbisyo sa paglikha ng Konstitusyon. Maaaring mapabilang sa mga kasapi nito ang mga awtoridad sa Konstitusyon. Ngunit magpapanukala lamang siya ng balangkas na hihimayin ng Constitutional Assembly. Dahil dito, marahil ay hindi tamang tawagin na Constitutional Commission ang grupo ng mga ekspertong ito na iminungkahi ni Alvarez, dahil ang nasabing taguri ay ipinagkaloob sa grupong bumuo sa umiiral na 1987 Constitution.

Bukod sa federal na sistema ng gobyerno na isinusulong ni Pangulong Duterte, ang iba pang mga panukalang nauna nang inilatag ay maaari ring ikonsidera, gaya ng pagpapaluwag sa mga limitasyon sa dayuhang pamumuhunan. Gayundin ang panukalang pagbuwag sa sistemang party-list, na mistula na umanong nasasamantala ng mga kilalang pamilya ng mga pulitiko, gayung ang intensiyon nito ay buksan ang Kongreso sa mga sektor ng lipunan na hindi napagtutuunan ang mga kapakanan.

Anuman ang kahihinatnan nito, asahan na ang matinding debate sa Konstitusyon. Tanggapin natin ito bilang bahagi ng lumalawak na kamulatan ng mamamayan sa mga usapin ng lipunan kasunod ng pagkakaluklok ng gobyerno ng pagbabago ni Pangulong Duterte.